Optimistiko si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales na makakapagtala ng krusyal na panalo ang Philippine men’s at women’s chess team sa huling anim na round ng 42nd World Chess Olympiad na ginaganap sa Baku, Azerbaijan.
“Maganda ang mood ng team habang nagpapahinga,” sambit ni Gonzales, tumatayo ring team captain ng women’s team.
“Nag-analized sila ng mga moves ng kanilang sunod na makakalaban at pinag-aralan din ang posibleng mangyari sa susunod na huling anim na round,” aniya.
Sunod na makakalaban ng men’s squad ang No. 12 seed Norway, na huling tinalo ang 64th seed Belgium, 3-1. Ang Norway ay binubuo nina defending champion GM Magnus Carlsen (2857), GM Jon Ludvig Hammer (2651), GM Aryan Tari (2570) at GM Frode Urkedal (2537).
Ang 53rd seed Philippine men’s team ay kasalukuyan na nasa pangkalahatang ika-23 puwesto bitbit ang kabuuang 15.5 puntos matapos ang limang round tampok ang apat na panalo at isang talo.
Ang 46th seed na Philippine women’s team ay umangat sa ika-27 puwesto sa bitbit na kabuuang 13 puntos matapos ang tatlong panalo, isang talo at isang draw.
Makakasagupa nito ang 57th seed Mexico na may natipong 14 puntos. Huling tinalo ng Mexico ang 61st seed Iceland, 2.5-1.5, tampok ang mga laro nina WIM Diana Carime Real Pereyra (2136), WIM Alejandra Guerrero Rodriguez (2043), WIM Lilia Ivonne Fuentes Godoy (2142) at WFM Miriam Parkhurst Casas (1993).
Samantala, nasa best player per board sina GM John Paul Gomez (2492) na may 3.5 puntos na ika-16 sa Board 1, nasa No.4 si GM Eugenio Torre (2447) sa Board 2 na may 4.5 puntos at No. 9 sa Board 3 si GM Rogelio Barcenilla (2455) na may 4.0 puntos.
Inokupahan ni Torre ang ikawalong puwesto sa kabuuan sa overall best individual player kung saan kasalo ito sa pito kataong ikalawang puwesto sa likod lamang ng apat kataong liderato na may 5.0 puntos. Nasa ika-71 naman si Gomez.
Sa kababaihan, nasa best players per Board si Frayna na nasa ika-14 sa Board 1 na may 3.5 puntos habang nasa No. 13 naman si Board 4 si WIM Catherine Secopito.
Nasa ika-61 puwesto sa overall best player Secopito at nasa ika-150 si Jan Jodilyn Fronda.