SA loob ng halos 14 na taong pakikipaglaban ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga drug lord, mas marami sa mga kasong isinampa nito sa mga korte ang natalo kaya’t siyempre pa, balik-kalsada para muling magbenta ang mga “tulak” na ito ng ipinagbabawal na gamot.
Batay sa datos na inilabas ng PDEA, mula noong 2002 hanggang sa kasalukuyang taon, umabot sa 23,776 ang mga kasong naisampa at naresolba na sa mga korte sa buong kapuluan. Ito ang resulta ng kanilang kampanya sa loob ng 14 na taon, bago maupo si Pangulong Rodrigo R. Duterte (PRRD) at nagdeklara ng kanyang sariling giyera laban sa mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
Medyo maganda sanang pakinggan ang mga numerong 23,776 dahil lumalabas na 1,698 kaso sa isang taon, 141 kaso sa isang buwan o kaya’y apat na kaso ang naisasampa kada araw laban sa mga miyembro ng sindikato sa droga.
Ngunit ito ang nakalulungkot—mula sa kabuuang bilang na ito, umabot lang sa 6,131 kaso ang naipanalo ng PDEA o halos 26 na porsiyento lamang, kaya ang natitirang 17,645 kaso ay na-dismis o sa madaling sabi, ang mga nahuling drug pusher na nakasuhan ay muling nakalaya at bumalik sa kanilang pinagkakakitaan gamit ang ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Dir. Gen. Isidro Lapeña, ang mga pangunahing dahilan kaya napawalang-sala ng korte ang mga “tulak” na ito ay dahil hindi sapat ang ebidensiya, mga palpak na statement ng mga testigo, at mga pagkakamali sa legal na pamamaraan ng pag-aresto.
Sang-ayon ako kay Lapeña ngunit tila nakalimutan niya yatang sabihin o amining maraming taga-korte ang nababayaran ng mga drug lord kaya kahit nakapaloob na sa kahon ang kaso laban sa mga miyembro ng sindikato ay nagkakabutas pa rin ito at naaabsuwelto agad.
Sabagay, malaking bagay din kasi ang tamang kaalaman ng mga imbestigador sa pagbuo ng kaso laban sa mga suspek para siguradong walang lusot ang mga ito sa mga husgado.
Kaya lamang, sa ngayon kasi ay mabibilang mo na lamang sa daliri ang mga matitinik na imbestigador na alam kung papaano maikakahon ang asuntong kanilang hinahawakan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)