WALANG kagatul-gatol ang paulit-ulit na pagbabansag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa party-list system: Mockery of the law. Ibig sabihin, ang batas ay ginagawang katatawanan ng mga kinatawan ng naturang grupo: at ito ay sinasabing pinagsasamantalahan lamang ng mga maririwasa at mga maimpluwensiyang mamamayan.
Maliwanag na ito ang dahilan ng hindi nagbabago at lalo pa yatang tumitinding paninindigan ng Pangulo hinggil sa pagbuwag ng party-list system. Maliwanag na hindi siya naniniwala na ang naturang grupo ay kalabisang maging lehitimong bahagi ng Kongreso.
Hindi miminsan niyang ipinahiwatig na ang ilang party-list group ay may koneksiyon sa Communist Party of the Philippines (CPP) at ang bahagi ng kanilang pondo ay iniuukol sa New People’s Army (NPA).
Hindi nag-iisa si Pangulong Duterte sa pagpapabuwag ng party-list system. Maraming sektor ng mga mamamayan at mismong ilang mambabatas ang laging naninindigan na sapat na ang bilang ng kasalukuyang mga kongresista sa pagbalangkas ng mga batas na marapat pairalin sa bansa.
Mawalang-galang na sa mga kinatawan ng iba’t ibang party-list system, kabilang din ako sa matagal nang nananawagan na buwagin na ang naturang mga grupo na sinasabing kumakatawan sa iba’t ibang marginalized sector sa kapuluan.
Dangan nga lamang at ang aking mga pananaw ay bahagyang nakalihis sa kanilang paninindigan.
Nakaangkla ang aking pangangatwiran sa katotohanan na ang ilang kinatawan ng naturang mga grupo ay mistulang dekorasyon sa hanay ng mga mambabatas; hindi angkop ang kanilang mga katangian at kakayahan sa kinakatawan nilang mga dehadong sektor o marginalized groups na tulad ng magbubukid, mangingisda, transport sector at maging ang grupo ng mga nakatatandang mamamayan o senior citizens.
Ang nabanggit na mga sektor ay kinakatawan na o maaari rin namang sakupin ng regular congressmen.
Sa pagkatig sa paglansag ng party-list system, nais kong bigyang-diin na hindi ito pagmaliit sa kakayahan, katalinuhan at katapatan sa pagganap sa tungkulin ng higit na nakararaming party-list representatives. Hindi maikakaila sa sambayanan ang kanilang kahusayan at pangunguna sa pagtatanggol ng makabuluhang mga isyu na pinakikinabangan nating lahat ngayon. Nakapanghihinayang ang kanilang mga kakayahan. Dahil dito, marapat na sila ay kumandidato na lamang bilang regular congressmen sa kani-kanilang mga distrito. Walang alinlangang sila ay tatangkilikin ng taumbayan.
Anuman ang ating paninindigan sa nabanggit na isyu, ipaubaya na lamang natin sa mga mangangasiwa sa pagsusug ng Konstitusyon ang kapalaran ng party-list system na ginagarantiyahan ng naturang batas. (Celo Lagmay)