Dumating na ang boxing superstar at Senador Manny “Pacman” Pacquiao sa Amerika para simulan ang promotion ng kanyang November 5 comeback fight kontra defending World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Jessie Vargas.
Nakatakda ang laban sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.
Lulan ng Philippine Airlines Flight 102, lumapag ang eroplano dakong 7:30 p.m. (Pacific Time) sa LAX International’s Tom Bradley Terminal.
Sandali lamang mananatili si Pacquiao (58-6-2, 38 knockouts), ang natatanging eight division world champion at dating two-term Representative ng Sarangani, sa Los Angeles upang dumalo sa news conference na inihanda ng kanyang promoter na si Bob Arum, CEO ng Top Rank Promotions.
Ayon sa PhilBoxing.com, nakatakda ring bumalik ng Pilipinas ang Pambansang Kamao sa weekend upang makadalo naman sa sesyon sa Senado sa Martes.
Mahabang panahon ang nakalaang ilaan ni Pacquaio sa kanyang pagsasanay sa Maynila para matugunan din ang trabaho sa Senado. Magbabalik lamang si Pacquiao sa Los Angeles bandang Oktubre para naman magsanay sa Wild Card Gym Boxing Club ng kanyang trainer na si Freddie Roach.
Kasama rin sa main card ang laban ni “The Filipino Flash” Nonito Donaire Jr. na ipagtatanggol ang kanyang WBO super bantamweight belt kay Jesse Magdaleno. (Gilbert Espeña)