Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert status ng Mt. Mayon sa Albay matapos itong makitaan ng volcanic activities.
Sinabi ni resident volcanologist Ed Laguerta ng Phivolcs, ipinasya nilang isailalim sa level 1 ang alert status ng bulkan nang maitala ang 146 na pagyanig nito na naramdaman mula Agosto 3-6 kung saan natukoy ang epicenter sa bayan ng Sto. Domingo.
Aniya, kahit walang panganib ng pagputok, binalaan pa rin nila ang mga residente sa mga bayan sa palibot ng bulkan na huwag lumapit o pumasok sa pinaiiral na 6-km permanent danger zone (PDZ).
“The public is reminded to avoid the danger zone due to the perennial hazards of rockfall, avalanches, ash puffs and sudden steam-driven or phreatic eruption in the summit area which may occur without warning,” ayon sa pahayag ng Phivolcs.
Binanggit din ng Phivolcs na kaya nila itinaas ang alerto ng bulkan nang makitaan ng madalas na pagyanig at pagbuga nito ng sulfur dioxide, ground deformation at pagbaba ng pinapakawalang tubig sa palibot nito.
Ayon pa kay Laguerta, senyales lamang na abnormal ang kalagayan ng bulkan at simula na nang pag-aalburoto nito.
(Rommel Tabbad)