Vargas, idineklarang lipas na ang panahon ni Pacman.
Kumpiyansa si world welterweight champion Jessie Vargas na panahon na para siya naman ang maghari sa boxing.
Sa ginanap na news conference para sa pormal na pag-anunsiyo ng kanilang duwelo ni Filipino challenger Manny Pacquiao, sinabi ni Vargas na malaki na ang ipinagbago sa kilos ng Filipino boxing sensation, bagay na sasamantalahin umano ng Mexican titleholder.
Aniya, childhood dream niya ang makalaban si Pacquiao lalo na nang kaniyang makita ang ginawang pagpulbos ng Filipino icon sa dalawa sa kaniyang Mexican idol na sina Erik Morales at Marco Antonio Barrera.
Sa kanilang paghaharap kahapon sa inihandang press conference ng Top Rank sa Beverly Hills, California, nagbida ang kampeon laban sa dating eight-division world champion.
“His time has come. Just like when he took out Morales, he took him out at a time that I feel he was a bit past his prime. Barrera as well,” pahayag ni Vargas “And now, he’s past his prime and I’m going to take him out. I’m at my prime this is my time to come up.”
Nakopo ni Vargas ang binakanteng WBO title nang patulugin sa 9th round ang mahinang karibal na si Sadam Ali noong Marso sa Washington.
Binitiwan noon ng dating kampeon na si Timothy Bradley ang naturang WBO crown upang hamunin si Pacquiao sa ikatlong pagkakataon na nagresulta naman ng unanimous decision win para kay Pacman noong Abril sa Las Vegas.
Matapos ang panalo kay Bradley, ipinahayag ni Pacquiao ang kaniyang pagreretiro sa boxing upang tutukan ang pangangampanya sa ginanap na halalan nitong Mayo kung saan napabilang siya sa Top 12 Senator ng Pilipinas.
Samantala, nais namang patunayan ni Vargas sa kaniyang mga kritiko na mayroon siyang sapat na kakayahan upang maging isa sa mga superstar ng boxing.
“I fought everybody that they put me against. Eversince I turned pro at a young age, I fought undefeated guys. Guys that were supposed to be big superstars. Guys that were destined for bright future and I knocked them out,” ayon kay Vargas
“I’m just continuing on that road. Now I get to fight the biggest fighter at the moment which is Manny Pacquiao.”
Itataya ni Vargas ang WBO belt sa kanilang 12-round match na gaganapin sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Mapagpakumbaba namang tinugunan ni Pacquiao ang mga pahaging ng karibal.
“It’s an honor for me to challenge the champion,” sambit ni Pacquiao. “I respect him because he’s the belt-holder at 147 pounds.”
Nakamit din ni Pacquiao ang naturang korona nang dalawang ulit bago nabitiwan sa kabiguan kontra Floyd Mayweather, Jr.
Kumpiyansa naman ni Freddie Roach, trainor ni Pacman, sa magiging laban ng alaga sa Mexican champion.
“(Vargas) is a good boxer,” sambit ni Roach. “ But I don’t think he’s in Manny’s league, but we’ll see.”