Nayayamot si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito sa “delaying tactics” ng kapwa niya akusado sa kasong malversation sa Sandiganbayan kaugnay sa pagbili ng P21-M halaga ng baril para sa San Juan City police noong 2008.
Umalma ang senador matapos muling inilipat ang petsa ng arraignment ng kapwa niya akusadong si dating San Juan City vice-mayor Francis Zamora dahil sa nakabimbing motion to quash nito.
“Nakalulungkot na nagde-delay ang kabilang grupo. Nag-motion to quash na, nag-motion for resolution pa. They are delaying the proceedings. Ako kasi, I’m confident of myself, that’s why I don’t want any delays,” sabi ni Ejercito.
Humarap si Ejercito sa pagtatapos kahapon ng pretrial ng anti-graft court sa kaso. Itinakda ng korte sa Nobyembre 22 ang unang araw ng paglilitis. (Rommel P. Tabbad)