VIENTIANE, Laos -- Dalawang importanteng pulong sa 28th and 29th ASEAN Summit and Related Summits na idinaraos dito ang hindi nadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos umanong sumama ang kanyang pakiramdam.
Unang hindi napuntahan ng Pangulo ang ASEAN-India Summit. Sa halip ay ipinadala niya si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., para pangunahan ang delegasyon ng Pilipinas sa pulong na binuo noong 2002 sa Phnom Penh, Cambodia.
Hindi rin lumutang si Pangulong Duterte sa ASEAN-United States Summit, kung saan si Secretary Yasay din ang nanguna sa Philippine delegation.
Nabigo rin ang Pangulo na makipartisipa sa ikalawang photo session ng ASEAN leaders at dialogue partners, na naka-schedule pagkatapos ang ASEAN-India meeting. Tumayo si Yasay bilang kinatawan ng Pangulo sa photo session.
Sinabi ng source sa Manila Bulletin na ang Pangulo ay “not feeling well.”
Ang Pangulo ay mayroon pang mga pulong na naka-schedule, kabilang dito ang meeting sa Russia at New Zealand, bago tumulak sa Indonesia para sa kanyang working visit.
Kinumpirma naman ng Malacañang na dadalo ang Pangulo sa closing ceremony ng Summit.
Noong Miyerkules, hindi rin nakadalo ang Pangulo sa ASEAN-United Nations Summit, dahil nasabay ito sa kanyang courtesy call kay Lao President Bounnhang Vorachith sa Presidential Palace. (Roy C. Mabasa)
