Sinabi ng pulisya na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng lalaki na nag-iwan ng bombang sumabog sa Davao City night market at ikinasawi ng 14 na katao nitong Setyembre 2.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa, ang pangunahing suspek ay kinilala ng ilang testigo batay sa mga litratong iprinisinta sa kanila ng mga imbestigador.

Una nang naglabas ang pulisya ng artist sketch at computer image ng lalaking nag-iwan ng bag na naglalaman ng bomba, batay sa paglalarawan ng mga massage therapist na nakaligtas sa pagsabog.

“We already know his true identity, we also now where he is hiding so the manhunt is ongoing,” sabi ni Dela Rosa.

Sinabi ni Dela Rosa na batay sa background check na isinagawa ng mga imbestigador at ng mga intelligence agent, sangkot din ang tinutugis na ngayong suspek sa ilang nakalipas na insidente ng pambobomba at may kaugnayan sa isang teroristang grupo na nakabase sa Central Mindanao.

Probinsya

‘One Cainta Pantry,’ muling binuhay dahil sa krisis

Aniya, ang background check sa hinihinalang bomber ay umakma sa naunang deklarasyon ng mga bomb expert na ang improvised explosive device (IED) na ginamit sa Davao City ay kapareho ng estilo sa paggawa ng bomba na itinuro ng international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, na napatay ng mga police commando sa kontrobersyal na engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Gayunman, tumanggi si Dela Rosa na ilahad ang iba pang detalye tungkol sa suspek dahil ikinasa na ng pulisya ang operasyon upang madakip ito at ang mga kasabwat sa pambobomba sa Davao City.

Sinabi pa ng PNP chief na batay sa pagkakakilanlan ng suspek ay lalo lamang luminaw ang kanilang teorya na may kinalaman ang ilang drug lord sa pambobomba.

“This only further reinforced our theory of narco-terrorism because before the blast happened, we have received information that some narco-personalities in Central Mindanao are funding or financing this bombing operation,” ani Dela Rosa.

Kasabay nito, inihayag din kahapon ni Davao City Mayor Sara Duterte na mula sa P2 milyon ay itinaas na sa P3 milyon ang pabuya sa makatutulong sa pagdakip sa suspek, makaraang mag-donate ng tig-P500,000 ang isang negosyanteng taga-lungsod at isang law firm. (May ulat ni Yas D. Ocampo