CALAMBA CITY, Laguna – Isang lalaking Chinese ang naglakas-loob na takasan ang mga dumukot sa kanya makaraang mamataan niya ang mga nagpapatrulyang pulis sa Ayala Greenfields sa South Luzon Expressway (SLEX) tollgate sa siyudad na ito, noong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ni Calamba City Police Chief Supt. Fernando Ortega ang biktimang si Kunlian Cao, 26, computer programmer ng Gee Pacific, at taga-Mabolo Street sa Makati City.
Ayon kay Ortega, dakong 6:30 ng umaga at nagpapatrulya sa lugar ang Calamba Police katuwang ang Highway Patrol Group nang maispatan nila ang biktima sa SLEX.
Ayon kay Cao, dinukot siya ng apat na hindi nakilalang Chinese mula sa kanyang bahay at isinakay sa asul na Mercedes Benz Sedan (may commemorative plate PNP91), pero habang binabagtas ang SLEX, sa bahagi ng Barangay Saimsim, ay nakita niya ang mga pulis kaya naglakas-loob siyang tumalon mula sa bintana ng sasakyan para tumakas.
Nag-iimbestiga pa ang pulisya sa insidente, na sinasabing may kinalaman sa pera. (Danny J. Estacio)