‘MABAIT naman, tahimik, nahihiya pa siguro. Nakakasabay naman (sa pag-arte) kasi galing naman siya sa teatro, iba lang ‘yung alam niya,” paglalarawan ni DirekAntoinette Jadaone kay JC Santos na gumaganap bilang si Ali sa Till I Met You, ang pinakabagong hit TV series ng ABS-CBN under Dreamscape Entertainment.
Madalian naming nakausap si Direk Tonet sa press preview ng musical play na Ako si Josephine at kinumusta namin si JC bilang bago niyang katrabaho.
Nakomento kasi namin na magandang panoorin sa screen ang kombinasyon ng tatlo -- James Reid, Nadine Lustre, at JC -- kaya marami ang nag-aabang at kinikilig, maging sa tambalan nina Basti (James) at Ali (JC), gabi-gabi.
“Nakikita ko naman okay ang bonding nilang tatlo, hindi ko pa naman nakitang makulit si JC, pero mukhang okay, siguro kasi bago lang saka hindi pa kami gaanong nagkakatsikahan,” kuwento ng direktora.
Napansin naming haggard look si Direk Tonette kaya biniro namin na, ‘Mukhang wala ka pang tulog, Direk?’
“Galing kasi ako ng pre-prod (TIMY), dumaan lang ako dito,” sagot niya. “Oo, ilang oras lang tulog ko,” napangiting dugtong ng direktor.
Sabay tanong kung sino ang peg niya na lagi siyang naka-shorts.
“Wala lang, gusto ko lang kasi mas madaling kumilos kapag naka-shorts,” natawa sagot sa amin.
Pabirong sabi namin, si Direk Cathy Garcia-Molina ang nakikita namin na laging naka-shorts.
Speaking of JC, sabay-sabay nagtilian ang mga nanonood ng Till I Met You noong Miyerkules ng gabi dahil inamin na ni Ali na bading siya sa bestfriend/girlfriend niyang si Iris (Nadine Lustre) at sinabing in love siya kay Basti, bagay na hindi naintindihan ng dalaga.
Inabutan ni Basti na nagtatalo sina Ali at Iris at sabay alis ng dalaga at sinisi ang una dahil siya raw ang may kasalanan.
Kaya pinagsabihan ni Basti si Ali na habulin si Iris dahil mahal na mahal siya nito at huwag hayaang magkahiwalay sila kahit inamin na ng huli na may iba siyang mahal, pero dinedma siya at sinabihan ng una na, “be a man.”
Nakakatawa dahil parang hindi naman love triangle ang nangyayari kina Basti, Ali at Iris kundi love in circle, ha-ha-ha.
Umaapaw ang mga positibong komento sa social media habang umeere ang Till I Met You. No doubt, big hit ang second kilig-serye ng JaDine at mainit ding tinanggap ng televiewers ang kakaibang love story ngayon. Kasali na sa mga nag-aabang sa primetime ngayon ang LGBT community dahil tanggap na tanggap nila ang character ni JC na si Ali na kumakatawan sa kanila.
Samantala, abut-abot ang pasasalamat ni JC sa JaDine fans na tinanggap siya bilang third wheel at dumami na raw ang followers niya sa social media. (REGGEE BONOAN)
