Tumatag sa kanilang kampanya ang reigning 7-peat champion San Beda College nang igupo ang Letran, 96-83, kahapon sa NCAA Season 92 juniors basketball Tournament sa San Juan Arena.
Nagtapos na may game-high 22 puntos si Sam Abu Hijle upang pangunahan ang Red Cubs sa ika-14 na panalo sa 15 laro.
Naitala nila ang mataas na field goal shooting na 50.77 percent makaraang makapagbuslo ng 33 sa 65 pagtatangka kumpara sa 39.39 percent ng Squires.
Tuluyan namang lumabo ang tsansa ng Squires na makahabol sa Final Four matapos bumagsak sa ikaanim na puwesto na may 6-9 marka.
Nanguna sa Letran si Kurt Reyson na nagposte ng 20 puntos.
Sa isa pang laro, nanatiling nasa ikatlong puwesto ang CSB- La Salle Greenhills matapos magwagi sa Lyceum, 85-72.
Ang panalo ang ika-12 ng Junior Blazers sa 15 laban, habang bumagsak ang Junior Pirates sa 7-8.
Tumapos na topscorer para sa CSB- LSGH si Unique Naboa na may 25 puntos, apat na rebound at anim na assist, habang tatlong Junior Pirates ang nagtala ng 12 puntos sa katauhan nina Keith Manuel, Mclaude Guadana at Marj de Leon. (Marivic Awitan)