NANG nagdeklara ng batas militar si Pangulong Marcos noong 1972, ibinatay niya ang kanyang direktiba sa Article VII, Section 11(2) ng 1935 Constitution na nagsasaad: “In case of invasion, insurrection, or rebellion, or imminent danger thereof, when the public safety requires it, he may suspend the privilege of the writ of habeas corpus, or place the Philippines or any part thereof under martial law.”
Inalis ng Constitutional Convention noong 1971 ang probisyong ito nang buuin ang 1973 Constitution ngunit ibinalik ito ng rehimen ng batas militar sa pamamagitan ng pag-amyenda.
Nang wakasan ng People Power Revolution noong 1986 ang rehimeng Marcos at sinimulan ni Pangulong Corazon C. Aquino ang kanyang termino, itinatag ng huli ang isang komisyon na magbubuo ng bagong Konstitusyon noong 1987, na umiiral ngayon. Hinangad ng administrasyon ni Cory na bawasan ang nakalululang kapangyarihan na angkin ng Presidente kaya naman nagtakda ang 1987 Constitution ng maraming limitasyon sa pagpapatupad ng batas militar.
Nakasaad sa ating bagong Konstitusyon: “In case of invasion or rebellion, when the public safety requires it, (the President) may, for a period not exceeding 60 days, suspend the privilege of the writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.” (Article VII, Section 18)
Bukod sa nilimitahan sa 60 araw, nakasaad din sa kaparehong probisyon: “Within 48 hours from the proclamation of martial law or the suspension of the privilege of the writ of habeas corpus, the President shall submit the report in person or in writing to the Congress. The Congress, voting jointly by a vote of a least a majority of all its members in regular or special session, may revoke such proclamation or suspension, which revocation shall not be set aside by the President…”
Ngayon ay 2016 na. Noong nakaraang linggo, isang bomba ang pinasabog sa night market sa Davao City, na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng 70 iba pa. Nagdeklara si Pangulong Duterte ng tinawag niyang “a state of lawlessness” — hindi batas militar. Inatasan niya ang militar na ayudahan ang pulisya sa pagtitiyak sa seguridad at kaayusan sa lahat ng panig ng bansa.
Ayon kay Presidential Legal Adviser Salvador Panelo, tinalakay na ang pagpoproklama ng “state of lawlessness” bago pa nangyari ang pambobomba. Layunin nitong maipagpatuloy ang ipinatutupad na kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, terorismo, at mapaigting ang opensiba laban sa Abu Sayyaf. Nang ilabas ang teksto ng proklamasyon makalipas ang ilang araw, may titulo itong “Declaring a state of national emergency on account of lawless violence in Mindanao.”
Pinawi ni Secretary Panelo ang mga pangamba na ang pagdedeklara ng emergency ay paunang bahagi ng proklamasyon ng batas militar o pagsususpinde ng writ of habeas corpus. “We are very far away from this,” aniya. Dapat na makatulong ito na mapayapa ang mga pangamba na patungo na sa batas militar ang sitwasyon sa bansa—sa kabila ng mga limitasyon nito—partikular na para sa mga nabubuhay na noong 1972 at nasaksihan ang isang dekada ng pagpapahirap na sumunod dito, matapos na ipasara ang Kongreso at pawang mga presidential decree sa halip na mga batas ang ipinairal, sunud-sunod na ipinasara ang mga pahayagan at himpilan ng telebisyon at radyo, at libu-libo ang dinakip nang hindi naproteksiyunan ng korte ang kanilang mga karapatan.
Patuloy na nakatatanggap si Pangulong Duterte ng suporta mula sa iba’t ibang panig ng bansa, at hangad natin ang pinakamabuti habang nagpapatuloy ang kanyang kampanya laban sa droga, kriminalidad, at kurapsiyon, at pagtataas dito sa ibang antas sa pamamagitan ng pagdedeklara ng state of national emergency. Tiwala tayong hindi niya pahihintulutan ang mga uri ng pag-abuso na nangyari habang umiiral ang batas militar noong 1972 hanggang 1981.