Pitong Chinese ang inaresto matapos madiskubre sa raid ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang shabu laboratory na nasa ilalim ng isang babuyan sa Magalang, Pampanga, nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Undersecretary Isidro S. Lapeña, PDEA Director General, ang mga naaresto na sina Wasng Wanli, alyas “Alvin”; Chen Xinli, alyas “Ate”; Cao Zhen Wang, alyas “Philip”; Xiao Po Zhang, alyas “Kenneth”; Xiao Dong Zhang; Shi Jun Loang; at Dian Ning Shi.
Sinabi ni Lapeña na batay sa natanggap nilang report, sinalakay ang shabu laboratory sa Purok 5, Barangay San Idelfonso, Magalang, Pampanga, dakong 1:30 ng hapon nitong Miyerkules.
Nakumpiska sa raid ang 468 gramo ng shabu, 20 kilo ng hinihinalang ephedrine, ilang laboratory apparatus, at iba’t ibang kemikal. (Francis T. Wakefield0