09082016_tfdavao_08_keithbacongco-copy

DAVAO CITY – Inihayag kahapon ni City Mayor Sara Duterte-Carpio na namatay ang dalawa sa ipinagbubuntis niyang triplets dahil na rin sa matinding stress na idinulot sa kanya ng pambobomba sa night market sa Roxas Avenue nitong Setyembre 2.

“All in God’s plan,” sinabi ng alkalde sa pagdalo niya sa change of command sa Task Force Davao headquarters sa Sta. Ana Wharf kahapon, at inatasan si bagong TF Davao Commander Col. Erwin Bernard Neri na tiyakin ang seguridad ng mamamayan at bigyan ng “peace” ang lungsod.

Ayon sa alkalde, sinabihan siya ng kanyang doktor na wala nang heartbeat ang dalawa sa triplets.

Trending

Lalaki sa Chile, nilamon at niluwa ng humpback whale

“I spent the whole afternoon Monday crying. I cried for myself. I cried for those who died in the bombing. I cried for the victims who are still recuperating at the hospitals,” aniya.

Sa isang report sinabi ng alkalde na hindi aalisin sa kanyang sinapupunan ang dalawang fetus.

“Dili because naa pa isa, eh. So, dili nila puwede tandugon because maaapekuhan ang isa. So, pasagdan lang sila (Hindi aalisin ang dalawang fetus dahil buhay pa ‘yung isa. Hindi nila puwedeng alisin ‘yung dalawa kasi maaapektuhan ang isa. Kaya iiwan na lang nila dito ang mga fetus).”

“May isa pa ako (na sanggol), ‘wag mo patayin. Give me peace,” pabirong sinabi ni Duterte kay Neri. “Bawal kang huminga at bawal kang matulog.”

Bagamat nilinaw na hindi niya sinisisi sa trahedya si Col. Henry Robinson, Jr. na hinalinhan ni Neri, sinabi ni Duterte na labis siyang naapektuhan ng insidente, na unang beses sa kanyang pamumuno sa siyudad.

Sinabi pa ni Duterte na hindi pa alam ng kanyang amang si Pangulong Duterte ang sinapit ng kanyang pagbubuntis.

(Antonio L. Colina IV)