DAVAO CITY – Sinabi kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 11 Director Adzar Albani na tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad ng “narco-terrorism” ng ilang pulitiko na nasa likod ng pambobomba nitong Biyernes sa night market sa Roxas Avenue, na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 71 iba pa.

Sinabi ni Albani na ang mga personalidad na sangkot sa narco-terrorism ay posibleng ilan sa mga pulitiko na una nang tinukoy ni Pangulong Duterte na sangkot na operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Bagamat hindi pa kumpirmado, sinabi niyang masusi ang isinasagawang pagtugaygay ng mga awtoridad sa bawat galaw ng mga personalidad na ito na posibleng may kinalaman sa pambobomba nitong Biyernes.

“Minamanmanan natin ‘yung napangalanan na ni Presidente, at nasa target list din namin sila,” sabi ni Albani.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Dagdag pa niya, napakalaking negosyo ng droga at posibleng bilyun-bilyong piso ang kinikita rito ng mga pulitiko, ngunit “hit-hard” ito ngayon sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga.

“There is so much money in drugs even politicians are involved because of money and the possibility of terroristic activities are not far-fetched. Nagkaroon ng shame campaign and their political ambitions have been destroyed that some say, ‘pinatay na sila nang minsan,’” aniya. (Antonio L. Colina IV)