WALANG dapat ipagtaka sa pagpalabas ng travel advisories ng iba’t ibang bansa na walang alinlangang ginulantang ng madugong labanan noong nakaraang buwan sa Sulu ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at ng mga kawal ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP); at ng kamakailan lamang ng pambobomba sa night market sa Davao City. Sa dalawang malagim na pangyayari, 30 ang namatay at maraming iba pa ang nasugatan.

Nasanay na tayo sa mga travel warning ng mga bansang tulad ng United States, United Kingdom, Canada, Australia, Singapore at iba pa; mahigpit ang kanilang mga tagubilin sa kani-kanilang mga mamamayan na iwasang bumisita sa Pilipinas, lalo na nga kung walang patumangga ang paghahasik ng mga karahasan sa mga lugar pa naman na paboritong patunguhan ng mga turista at ng mga mamumuhunan. Ang mga lugar na ito rin ang nagkakataong pinamamalagian ng mga buhong na ASG na walang inaabangan kundi ang mga inaakala nilang masasalaping dayuhan na maaaring nakahandang magbayad ng malaking ransom money.

Paano nga namang maaawat ang nabanggit na mga bansa sa pagpapalabas ng kanilang travel advisories? Ang Canada, halimbawa, ay maagap ng nagbabala sa kanilang mga mamamayan na huwag magtungo sa Pilipinas noong pinugutan ng mga bandidong ASG ang kanilang kababayang kinidnap sa Mindanao.

Ang ganitong karumal-dumal na mga eksena ang pangunahing dahilan ng pagkalumpo ng programa sa turismo ng bansa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Katunayan, may mga pagkakataon na ang ipinangangalandakan noon na ‘More fun in the Philippines’ ay malimit paglibangang palitan ng ‘More crimes in the Philippines’. Maging ang mga investors o malalaking negosyante ay mistulang naitataboy ng nabanggit na mga nakadidismayang pangyayari na nagiging dahilan upang tagurian ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na lugar hindi lamang para sa mga negosyante kundi lalo na para sa mga kapwa nating mga mamamahayag.

Ang kasuklam-suklam na mga pangyayaring ito ay hindi dapat ipaghalukipkip, wika nga, ng mga awtoridad. Higit kailanman, ngayon natin dapat paigtingin ang seguridad sa mga komunidad, lalo na ngayong tila hindi na mapipigilan ang pagdaraos dito ng Miss Universe pageant sa susunod na taon.

Kailangang ngayon pa lamang ay pawiin natin ang pangamba hindi lamang ng mga turista at investors kundi, higit sa lahat, ng mismong mga kalahok sa gaganaping timpalak pangkagandahan; tiyakin na sila ay ligtas sa kanilang pagtungo at pamamalagi sa bansa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga pulis at sundalo sa mataong lugar upang mahadlangan ang mga halang na kaluluwa, wika nga, sa paghahasik ng karahasan. Sa madaling salita, marapat ang ibayong pagpapaigting ng seguridad sa lahat ng pagkakataon. (Celo Lagmay)