Sinabi ng militar kahapon na dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa panibagong bakbakan sa kabundukan ng Patikul sa Sulu, nitong Martes ng hapon.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa kabuuan ay 32 na ang napapatay sa ASG sa serye ng pinaigting na military operation sa bandidong grupo, alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte.
Nabatid na nakorner ng mga operatiba ng 35th Infantry Battalion at 21st Infantry Battalion ang nasa 30 bandido na tumakas mula sa naunang pakikipaglaban sa mga tauhan ng 45th Infantry Battalion, dakong 2:35 ng hapon nitong Martes.
Batay sa report na nakalap mula sa mga sibilyan sa lugar, nakumpirmang namataan ang mga miyembro ng ASG habang bitbit ang dalawa nilang kasamahan para ilibing, habang maraming iba pa ang nasugatan sa kalahating oras na sagupaan.
Wala namang nasawi sa panig ng militar.
Napaulat na ang ASG ay pinamunuan nina Jamiri Jaong Jawhari at Basaron Arok, dalawang kilalang sub-leader ng bandidong grupo. (Francis T. Wakefield)