SA bisperas ng una niyang pagharap sa mundo bilang pinuno ng bansa, naharap si Pangulong Duterte sa sitwasyong pangkumprontasyon kay United States President Obama nang kanselahin ni Obama ang una nilang itinakdang pulong sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Vientiane, Laos.
Sa kanyang karaniwan nang makulay na pagsasalita na tinampukan ng “son of a …,” nagbabala si Duterte na mas makabubuting huwag kuwestiyunin ni Obama ang kampanya niya laban sa droga. Nang iulat ito kay Obama, na noon ay dumalo sa G20 conference sa Hangzhou, China, napagdesisyunan niya na kanselahin na lang ang pulong. Sinabi niya na nais niyang makatiyak na ang anumang magiging pag-uusap sa pagitan nila ni Duterte ay magiging produktibo.
Sakaling natuloy ang pulong ng dalawang pinuno, ang digmaan ng Pilipinas laban sa droga marahil ang huling bagay na mapag-uusapan nila. Sa nakalipas na mga araw, tinukoy ng Pilipinas ang presensya ng ilang barkong Chinese sa paligid ng Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Panatag Shoal at Bajo de Masinloc, may 210 kilometro mula sa baybayin ng Zambales. Mistulang naghahanda ang mga barko sa pagtatayo ng artipisyal na isla sa lugar, na inaangkin ng China, dahil saklaw umano ng nine-dash line na halos nakasasakop sa South China Sea. Sinupalpal na ng Permanent Court of Arbitration sa Hague ang pag-angking ito, ngunit iginiit ng China na hindi nito kinikilala at tinatanggap ang nasabing desisyon.
Sakali man na naisagawa ang harapang Obama-Duterte, tinalakay marahil ito, bukod pa sa pagpupursige ni Pangulong Obama na makuha ang suporta ng isang Trans-Pacific Partnership (TPP) trade agreement sa 12 bansa. Magiging bahagi ng TPP ang karamihan sa mga bansang ASEAN—maliban sa China, na nagsusulong ng sarili nitong kasunduang “One Belt, One Road”, na hindi naman kinabibilangan ng Amerika.
Ngunit ang usapin sa South China Sea ang pinakatinututukan ng mga opisyal ng Pilipinas sa ngayon. Kaisa ng Pilipinas ang mga kapwa kasapi ng ASEAN na Vietnam, Malaysia, at Brunei sa usaping ito, dahil may inaangkin din silang bahagi ng South China Sea na kontra sa napakalawak na nine-dash-line ng China. Ngunit dahil pinipili ng ibang kasapi na kontrahin ang China, iniwasan sa lahat ng mga huling pulong ng ASEAN ang manindigan sa partikular na posisyon sa isyu. Sa pagtatapos ng ASEAN Summit ngayon, sa pagpapalabas ng pinal na communiqué, matutukoy kung maipagpapatuloy ng ASEAN paninindigan nito laban sa pagkakaroon ng anumang solidong opinyon sa usapin ng South China Sea.
Nang kanselahin ni Pangulong Obama ang kanyang pulong kay Pangulong Duterte, sinabi niyang “Filipino people are some of our closest friends and allies and the Philippines is a treaty ally of ours.” Nilinaw niyang nais lamang niyang makatiyak na ang magiging pag-uusap nila ni Pangulong Duterte “will be actually productive and we’re getting something done.”
Nagkasundo ang Pilipinas at Amerika na itatakda sa ibang pagkakataon ang kanilang pagpupulong. Nagpahayag naman ng pagsisisi si Pangulong Duterte na ang mga nasambit niya ay ipinagpalagay na personal na pag-atake sa presidente ng Amerika. “We look forward to ironing out differences arising out of national priorities and perceptions, and working in mutually responsible ways for both countries,” aniya.