Kumpiyansa ang walang talong si Rimar “Terminator” Metuda ng Sanman Boxing Stable kontra Mirzhan Zhaksylykov ng Kazakhstan para sa bakanteng WBC Asian Boxing Council Silver super featherweight title sa Setyembre 9 sa Traktor Sport Palace.

Dumating na sa Chelyabinsk, Russia ang kampo ng Pinoy fighter kabilang ang trainer na si Dondon Jimenea na kaagad namang ginabayan si Metuda para sa light workout.

Tangan ang 10-0 karta, kabilang ang limang TKO, haharapin ni Metuda si Zhaksylykov na isang substitute matapos mapinsala ang dapat sana niyang makaharap na si Mark Urbanux (9-1).

Ngunit, hindi pipitsugin si Zhaksylykov na isang dating PABA featherweight title-holder, subalit bigo ito sa huling laban kontra Shavkat Rakhimov via unanimous decision noong Pebrero 27 sa Russia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Okay lang si Metuda. Medyo napagod lang konte. Pero makaka-recover agad yun kasi three days pa bago ang laban,” pahayag ni manager Jim Claude “JC” Manangquil.

Nakamit ni Metuda ang bakanteng WBF Asia Pacific featherweight title via 5th round technical knockout laban kay Jason Tinampay noong Setyembre 26 sa Gaisano Mall Atrium sa General santos City.

Huling naitala ng 22-anyos southpaw mula sa Cagayan de Oro City ang TKO sa second round kontra Joel Hecotibo sa isang non-title fight nitong Marso 8 sa T’boli, South Cotabato.

“I’m now very excited for my first international fight. I will do my best to bring home the title,” sambit ni Metuda. (Lito Delos Reyes)