Hindi naman lamang nakita ng isang lalaki ang kakatagpuin niyang “ka-date” matapos siyang pagbabarilin ng dalawang armado, habang nagti-text at naghihintay sa kanilang tagpuan sa Tondo, Manila nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Joven Serrano, 40, may asawa, ng 753 Interior, 84 Raxabago Street, Tondo, Manila.

Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan kay Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) chief Police Sr. Insp. Rommel Anicete, dakong 5:30 ng hapon nangyari ang pamamaril sa Maria Guizon Street, kanto ng Juan Luna St., Tondo.

Nauna rito, abala umano sa pagti-text ang biktima habang hinihintay ang kanyang katagpo sa lugar nang sumulpot ang mga suspek mula sa likuran niya at siya’y pinagbabaril.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Kahit sugatan, tinangka pa umano ng biktima na tumakbo ngunit hinabol siya ng mga suspek, at nang bumagsak ay muling pinaulanan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Bigo naman ang mga awtoridad na makakuha ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)