Patuloy ang imbestigasyon ng Pasay City Police sa motibo sa pagpatay ng dalawang armado sa mag-live-in partner, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Jaylord Clemente, 34, nangangalakal ng basura, ng No. 6 Cessna Street, Riverside Don Carlos Village, Barangay 190, Zone 20, Pasay City, sanhi ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang namatay naman sa Pasay City General Hospital ang kinakasama niyang si Marlene Cortez, 33, dahil sa apat na tama ng bala sa dibdib at likod.
Sa inisyal na imbestigasyon nina SPO1 Melvin Garcia at Dennis Desalisa, ng Station Investigation and Detective Management Branch, dakong 2:30 ng madaling araw sumulpot at pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay noong mga oras na iyon.
Ayon kay Barangay Executive Officer Jesus Berbers, nasa loob sila ng barangay hall nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril sa lugar na agad nilang pinuntahan at nakasalubong ang dalawang lalaki na lulan sa motorsiklo.
Batay sa nakalap na impormasyon, minsan nang nakulong si Clemente dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga subalit matagal na umano iyon at nagbagong buhay na sa pamamagitan ng pangangalakal. (Bella Gamotea)