Muling sinimulan ng Korte Suprema ang ikalawang araw ng oral arguments kaugnay ng anim na petisyong kontra sa planong pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Tumayong presiding officer sa nasabing oral argument si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
Noong isang linggo ay natapos na ang paglalatag ng petitioners ng kanilang argumento sa isyu. Ito naman ang oras ng respondents na sumagot.
Unang sumalang sa oral arguments si Solicitor General Jose Calida bilang kinatawan ng respondents.
Sa rules na inilabas ng Supreme Court may tig-30 minuto ang respondents para sa kanilang argumento.
Ayon sa Solicitor General, ang layunin ng paglilibing kay Marcos ay hindi upang gawaran ito ng parangal bilang bayani, kundi bigyan ng simpleng libing na naayon sa isang dating pangulo ng bansa at hindi rin para baguhin ang kasaysayan.
Paliwanag ni Calida, hindi dapat magpadala ang SC sa mga argumento ng mga petitioner at naniniwala ito na maaaring maibasura ang petisyon ng mga kontra sa Marcos Burial.
Binanggit din ni Calida na mayroong House Resolution 1135 noon na humihikayat pa kay dating Pangulong Noynoy Aquino na payagan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. (Beth Camia)