BINULABOG na naman ni Kris Aquino ang netizens sa Instagram sa ilang quotation posts niya na binibigyan ng meaning ng kanyang followers.
Ang feeling ng mga nakabasa ng isa sa latest posts niyang, “It’s okay to be scared. Being scared means you’re about to do something really, really brave” ay tuluyan na siyang aalis sa ABS-CBN at lilipat na sa GMA-7.
Ang sinusundan ng post na ito ay ang parehong all capital letters na, “NEW LIFE LOADING...” at “I AM CURRENTLY UNDER CONSTRUCTION. THANK YOU FOR YOUR PATIENCE.”
Dahil nga unti-unti nang lumilinaw ang paglipat niya, may mga comment na nagsasabing ia-unfollow siya dahil hindi na siya Kapamilya. May nagko-comment pa na kung hindi dahil sa ABS-CBN, hindi sana nanalo si former President Noynoy Aquino.
May iba pang masasakit na salita na ipinupukol kay Kris at OA para sa amin ang nag-post na baka kung ano ang mangyari sa mom niya na nasaktan sa balitang iiwan na ni Kris ang Kapamilya Network. Sabi pa ng nag-comment, takot ito na mawala ang mom niya. ‘Kaloka lang!
Nagkataon pang kasabay ng naturang quotation post ni Kris ang balita na inaayos na ng APT Entertainment ang morning show na kanyang iho-host. Lalong nabulabog ang kanyang fans na kontra sa paglipat niya sa GMA-7.
Hindi rin kami naniniwala sa mga nagsasabing ia-unfollow nila si Kris simula nang masulat ang balitang aalis na siya sa ABS-CBN. Hindi pa rin naman kasi nagbabago ang 2.7M followers niya sa Instagram na dapat ay nabawasan na kung totoong marami ang nag-unfollow sa kanya.
Pero ang pinakaimportante, nananatiling very positive sa buhay si Kris. Katunayan, nag-post din siya ng quotations ng pinakabagong Catholic saint na si Mother Teresa, tulad nito: “Give yourself fully to God. He will use you to accomplish great things on the condition that you believe much more in His love than in your own weakness” at “Spread love everywhere you go. Let no one ever come to you without leaving happier.”
Anyway, ipinasilip ni Kris via Flipagram ang paglipat nilang mag-iina sa condo. Given na ‘yung marami silang gamit, pero nakita namin ang maraming paintings na collection ni Kris na nakalagay sa floor habang hinahanapan ng lugar.
(Nitz Miralles)