NAALARMA ang mga kinatawan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa balitang may opisyal ng Embahada ng Malaysia na nag-iikot sa Katimugang Mindanao dala-dala ang isang dokumento na isusulong ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan na tumutulak sa pagbuslo sa titulo ng Pilipinas sa Sabah.

Binulgar ni Dr. Abdurahman Amin, Chief MNLF Permanent Liaison sa Organization of Islamic Cooperation (OIC) at ni General Habib Nikabulin na isang tagasuporta ng Sultanato ng Sulu at North Borneo ang nasabing maneobra ng Malaysia sa aking programa sa telebisyon (Republika, Martes, 8:00 ng gabi, Channel 8 Destiny Cable, Channel 213 Sky Cable).

May kopya sila ng dokumento.

Magugunitang sinusuportahan ng kanilang MNLF Chairman Nur Misuari ang Sultanato at ang pagbabalik ng Sabah sa Pilipinas. Dati na ring nilaglag ni Misuari ang Malaysia bilang padrino at taga-pondo sa kasalukuyang kaguluhan sa Katimugang Mindanao, upang pasinungalingan ang palusot na labanang Moro kontra Kristiyano raw ang nagaganap doon.

Muling ipinapaabot ng MNLF sa kasalukuyang Pamahalaan na ang MNLF ay kinikilala ng OIC at ng 57 kasaping bansa bilang “permanent political observer”. Habang ang MILF ay natipak na bahagi lang ng MNLF. Ang MNLF ay kumukuta hindi lamang sa Sulu, kundi maging sa Basilan, Tawi-Tawi, Palawan, Zamboanga Peninsula, Lanao Del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, Gitna at Hilagang Mindanao. Habang ang MILF ay hindi pa makikita sa mismong “kapitolyo” ng MNLF sa Sulu, Basilan at iba pa.

Ang mga hinihingi ng MNLF ay: Una, huwag itulak muli ang palpak na BBL ni PNoy; ikalawa, ipawalang bisa ang “warrant of arrest” kay Chairman Nur tulad ng ginawa sa panahon ni PGMA sa MILF pagkatapos mabomba ang Davao Airport; ikatlo, pantay na mga kinatawan sa Bangsamoro Transition Commission na tig-9 para sa MILF at MNLF; ikaapat, dalawang Federal States para sa mga tagaloob na Filipino Muslim at sa mandaragat; ikalima, ipaglaban ang karapatan ng Sultanato ng Sulu at North Borneo upang muling maibalik sa Pilipinas ang Sabah.

Sa panahon ng “pagbabago” nagtataka sina Dr. Amin at Gen. Nikabulin kung bakit pinapayagan ng mga kasalukuyang negosyador ang Malaysia na “makialam” bilang referee, habang sila mismo ang nag-aarmas sa MILF at namimili ng pulitiko, pati dating mga Presidente? Nariyan ang Indonesia at Thailand na maaaring pagkatiwalaan. (Erik Espina)