BAGAY na bagay na maglola sina Sylvia Sanchez at Joshua Garcia sa seryeng The Greatest Love na nagsimula nang umere nitong nakaraang Lunes.
Ayon sa aktres, napakabait din ni Joshua maging sa totoong buhay.
Kumusta namang katrabaho ang bagets?
“Mabait siyang bata, marespeto, sobrang mahiyain nga lang,” sagot ni Ibyang.
Sinang-ayunan namin ito dahil totoong napakamahiyain ni Joshua na nang mainterbyu namin ay bilang lang ang mga sinasabi at kung hindi mo kakausapin ay nasa isang sulok lang.
“Oo, ganyan nga siya!” sabi ng aktres. “Napagsabihan ko nga kasi sobrang mahiyain, ngingiti lang, nahihiya raw lumapit sa akin. Sabi ko, dapat close tayo kasi apo kita rito. Eh, sabi niya, nahihiya nga raw siya, baka isipin na feeling close. Sabi ko hindi, mas gusto ko ‘yung malapit. ‘Pansin ko, malambing siyang bata at marespeto at tahimik, sobra.”
Malaking influence sa pagkatao o sa buhay mismo ni Joshua ang paring nagpalaki sa kanya. Kaya maayos at matino siyang bata bukod pa sa malapit din talaga sa lola niya at ‘yun lang, mahilig matulog base rin sa napanood noong nasa loob pa siya ng Bahay ni Kuya.
“Ha-ha-ha, oo nga, napansin kong mahilig mahiga, matulog kapag walang gagawin. Tulog nang tulog,” natawang sabi ni Sylvia.
At pagdating sa pag-arte… “Alam mo, may lalim umarte si Joshua, mabigyan lang ‘yan ng chance at magandang role, asahan mo, malayo ang mararating niya, magaling siya sa edad niyang ‘yan, malalim ang hugot.”
Bata pa pero marami nang napagdaanan ang binatilyo, na sa murang edad ay iniwan ng mga magulang at ipinagkatiwala nga sa tiyuhin niyang pari na talagang istrikto. Sa madaling salita, laking simbahan ang batang aktor.
Napansin din ni Ibyang na, “Parang hindi siya mahilig sa gadgets, hindi ko nakikita, mas gustong matulog.”
Si Joshua ang magiging kakampi at tanging kasama ni Sylvia o Gloria sa The Greatest Love nang isa-isa nang mawala sa piling niya ang mga anak na sina Dimples Romana, Arron Villaflor at Matt Evans.
Bagamat kasama niya sa bahay si Andi Eigenmann ay may ibang problema rin pala itong sinisikreto. (Reggee Bonoan)