VIENTIANE (AFP, Reuters) – Naglabas ang Pilipinas nitong Miyerkules ng mga larawan upang suportahan ang pahayag nito na palihim na sinisimulan ng China ang mga paggawa para patatagin ang kontrol sa isang mahalagang bahura o shoal sa pinagtatalunang South China Sea.
Inilabas ang mga imahe, na sinasabing nagpapakita ng paghahanda ng mga barkong Chinese na magtayo ng artipisyal na isla sa Scarborough Shoal, ilang oras bago ang pagsisimula ng pulong ng mga lider ng 10-miyembrong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kasama si Chinese Premier Li Keqiang sa Laos.
Iginiit ng China ngayong linggo, na hindi ito nagsisimula ng anumang konstruksyon sa bahura, na mahalaga sa ambisyon ng Beijing na kontrolin ang karagatan at pahinain ang impluwensya ng US military sa rehiyon.
Ngunit ayon sa Pilipinas, ipinakikita ng mga imahe na ang mga barkong Chinese na dumating sa bahura nitong nakaraang weekend ay kayang maghukay ng buhangin at magsagawa ng iba pang aktibidad na kailangan sa pagtatayo ng isang artipisyal na isla.
‘’We have reason to believe that their presence is a precursor to building activities on the shoal,’’ sinabi ni defense department spokesman Arsenio Andolong sa AFP sa isang mensahe sa text.
‘’We are continuing our surveillance and monitoring of their presence and activities, which are disturbing.’’
Ang 10 imahe at mapa ay ipinadala sa pamamagitan ng email sa mga mamamahayag, karamihan ay nasa Vientiane para sa ASEAN summit.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang presensiya ng anim na barkong Chinese bukod pa sa mga barko ng coastguard ay nakakabahala.