Dahil sa kaliwa’t kanang bomb scare, pinulong kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang security managers ng mga mall, eskwelahan at hotel, kung saan inilatag ang mga plano kung papaano haharapin ang bomb threats.

Ayon kay Senior Supt. Jose Mario Espino, acting head ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), layunin ng pulong na kunin ang kooperasyon ng security managers para tiyakin ang kaligtasan ng mga taong tumutungo sa kanilang lugar.

“We briefed them about the current situation and what they could do to help us in these pressing problems regarding bomb threats and bomb scares,” ani Espino.

Ilan sa mga paraan, ayon kay Espino, ay ang mahusay na pag-check sa mga tao at kanilang bag bago makapasok sa kanilang establisyemento.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Itinuro rin sa mga ito kung ano ang dapat gawin kapag humarap sa bomb scare o aktuwal na bomb attack.

Ang hakbang ay kasunod ng kaliwa’t kanang bomb scare sa iba’t ibang panig ng bansa, matapos ang Davao City blast noong nakaraang linggo, na nagresulta sa pagkamatay ng 14 na katao at pagkasugat ng 70 iba pa.

Sa intelligence report ng pulisya, may apat umanong babae na ipinadala sa Metro Manila ang Abu Sayyaf Group (ASG) upang magdaos ng bomb attack.

Misyon din umano ng mga ito na paslangin si Pangulong Rodrigo Duterte, gamit ang improvised explosive device.

“We are being deluged by bomb scares and bomb threats and we cannot take this lightly. That’s why we are having this coordinating conference and seminar training to raise the level of awareness of our security guards securing private establishments,” ayon kay Espino.

DepEd umapela

Kahapon din, umapela ang Department of Education (DepEd) sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa bomb threat sa mga paaralan.

“We urge the public to report information on terror threats to the police and to avoid spreading unverified information especially through social media,” ayon sa kalatas ng DepEd.

Nanawagan ang kagawaran ng police visibility sa mga paaralan para maiwasan ang pagpapanik at pagkaabala ng klase dahil sa mga bomb threat, kahit hindi totoo ang banta.

Maging responsable – Bishop

Maging si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ay umapela na rin sa publiko. “Don’t spread such messages. Be responsible (text users),” pahayag nito.

Sa halip na ikalat ang text message na nagsasaad ng bomb threat, mas mainam umanong i-report ito sa mga awtoridad.

“Since we dont know the people behind this, the authorities should properly investigate it,” ani Pabillo.

12-taong kulong

Sa Mababang Kapulungan, isinulong ni Deputy Speaker Romero Quimbo ang pagpapatibay sa kanyang panukalang batas na nagtatakda ng mabigat na parusa sa mga nagpapakalat ng maling bomb threats.

Sa House Bill 421 o “False Bomb Threat Prohibition Act of 2016”, hinihiling na patawan ng 6-taon hanggang 12-taong pagkabilanggo at multa hanggang P5 million ang mga masasangkot sa bomb scare.

“False bomb threats lead to unnecessary anxiety for the people, disruption of regular activities, economic costs from opportunity lost for productivity due to evacuation, and waste of law enforcement and emergency response resources,” ani Quimbo. (aaron b. Recuenco, Ina Hernando, Leslie Aquino at Ben R. Rosario)