NEW YORK (AP) — Walang halaga kay Caroline Wozniacki na malaglag siya sa 74th ranked sa mundo. Ang mahalaga sa kanya sa kasalukuyan ay makarating sa hinahangad na pedestal ng US Open.
Nakatungtong si Wozniacki sa semifinals ng US Open – ikalimang pagkakataon sa kanyang career – at kauna-unahan sa Grand Slam tournament sa nakalipas na dalawang taon nang pabagsakin ang na-injured na si Anastasija Sevastova ng Latvia, 6-0, 6-2, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
“I always believe in myself, no matter what my ranking,” pahayag ni Wozniacki, minsang naging World No.1.
“I’ve beaten pretty much everyone in the draw before,” aniya.
Nagtamo ng mild sprained sa kanang paa ang 48th-ranked na si Sevastova sa opening game ng ikalawang set. Humingi siya ng medical timeout para lagyan ng tape ang namagang paa, ngunit hindi na ito nakagalaw ng tama sa kabuuan ng laro.
“I’ve rolled my ankle several times, and even this year, I was out for three months with a sprained ankle. So I feel real sorry for her,” pahayag ni Wozniacki. “It happened early in the match, and then I kept kind of just pushing her back and tried to make her move.”
Makakaharap ni Wozniacki, dalawang beses na runner-up sa Flushing Meadows, si No. 2 Angelique Kerber sa semifinals sa Huwebes (Biyernes sa Manila) .
Nakausad din sa Final Four si Angelique Kerber sa pahirapang 7-5, 6-0 panalo kontra Roberta Vinci, ang last year’s runner-up.
“I know that I can beat everybody,” sambit ni Kerber.
May pagkakataon siyang agawin kay Serena Williams at No. 1 ranking depende sa magiging resulta ng torneo.