BUMIDA sa mga balita kamakailan ang turismo ng Pilipinas, pangunahin na ang ulat tungkol sa pagpaplano para sa pagdaraos sa Maynila ng Miss Universe 2017 sa Enero. Unang ginanap sa bansa ang Miss Universe noong 1974, sa Cultural Center of the Philippines, at naulit makalipas ang 20 taon, noong 1994, sa Philippine International Convention Center.
Magandang balita rin ang iniulat ng Department of Tourism, na pinamumunuan ni Secretary Wanda Teo, tungkol sa pagdagsa ng turista sa bansa na umabot na sa 2.9 milyon ang dayuhang bumisita simula noong Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Ito ay 13 porsiyentong mas mataas sa naitala sa kaparehong panahon noong 2015. Karamihan sa dumagsang turista ay nagmula sa South Korea, United States, Japan, China, at Australia.
Sa kabila nito, marami pa ring magagawa upang mapaangat pa ang bilang ng tourist arrivals sa naitatala ng ating mga kalapit-bansa sa Asia. Ang China ang nangunguna ngayon sa tourist arrivals sa Asia na may 56.9 na milyon noong 2015, sinusundan ng Thailand, 29.9 na milyon; Hong Kong, 26.7 milyon; Malaysia, 25.7 milyon; at Japan, 19.7 milyon. Sa ating mga kapwa bansang ASEAN, nakasunod tayo sa Singapore na dinagsa ng 12.1 milyong bisita noong 2015; Taiwan, 10.4 na milyon; Indonesia, 10.4 na milyon; at Vietnam, 7.9 na milyon.
Sa simula pa man ng bagong administrasyon, ikinonsidera na ng Department of Tourism na palitan ang “It’s More Fun in the Philippines” ng mas nakahihimok na slogan, isang sumasalamin sa nangyayaring pagbabago sa bansa. Puntirya para sa buong 2016 ang makaakit ng anim na milyong dayuhan at lokal na turista. Sa pamamagitan ng bagong marketing slogan, magkakaroon ng inspirasyon ang DoT upang pasiglahin pa ang pagsisikap nito sa hangaring maging pangunahing sandalan ng ekonomiya ng Pilipinas ang turismo nito.
Ang idaraos na Miss Universe pageant ay dapat na maging pangunahing panghikayat sa ating programa sa turismo. Isa ito sa apat na pangunahing pandaigdigang beauty pageant. Tatlong beses na natin itong napanalunan, isang beses ang Miss World, limang beses ang Miss International, at tatlong beses ang Miss Earth. Tanging ang Venezuela ang nakahigit sa Pilipinas sa dami ng napanalunang korona sa apat na timpalak ng kagandahan na ito.
Gaya sa mga nakalipas na patimpalak, makikipagpaligsahan ang naggagandahang Pinay para sa titulo sa susunod na Miss Universe pageant. Ngunit kahit pa hindi palarin, ang pagiging punong abala natin ay tiyak na aakit ng atensyon ng mundo sa ating bansa, sa ating mamamayan, sa ganda ng ating mga isla, at sa ating mayamang kasaysayan. Tunay na positibo ang tinatanaw natin para sa turismo ng Pilipinas.