HABANG sinusulat ko ang kolum na ito ay kinumpirma ng pulisya ng Davao na 15 ang namatay at 71 ang nasugatan sa pagsabog na naganap noong Biyernes ng gabi sa popular na panggabing pamilihan sa lungsod.

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “state of lawlessness” sa buong bansa at hiniling sa militar at sa pulisya na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino. Ito ay isang mahalagang hakbang dahil kailangan nating maging kalmado at huwag mamuhay sa takot. Kailangan ding mapigilan ang panibagong pag-atake.

Marami na ring ganitong pangyayari sa nakaraan, ngunit nalampasang lahat at lalo pang nagpatatag sa mga Pilipino.

Batay sa mga unang ulat, inamin ng grupong Abu Sayyaf ang pananagutan sa pambobomba upang mailihis ang pagtugis sa kanila ng puwersang pang-seguridad ng Pilipinas.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay inatasan ng Pangulo ang militar na ibuhos ang buong puwersa laban sa Abu Sayyaf. Iniutos din niya ang pagpapadala ng karagdagang limang batalyon sa larangan ng labanan. Ito ay bilang tugon sa pagkamatay ng 15 sundalo sa labanan sa Patikul, Sulu.

Batay sa mga sumunod na ulat, may isa pang grupo na umaangkin sa pagpapasabog ng bomba sa Davao. Sinuman ang may kagagawan, ang mahalaga ay matiyak ng pamahalaan na mapanagot sila sa batas.

Nananawagan ako sa lahat ng mga Pilipino na makiramay sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima. Masakit ang mamatayan ng mahal sa buhay ngunit doble ang kirot kapag namatay sila dahil sa malupit na pag-atake ng mga duwag.

Nananawagan din ako kay Pangulong Duterte at sa mga puwersang pang-seguridad na ituloy ang pagtugis sa mga bandido, at ipagpatuloy ang pangangalaga sa mamamayan. Nagtitiwala ako sa ating Pangulo, na ilang ulit na nagsabing ang kanyang trabaho ay ipagtanggol ang sambayanang Pilipino.

Gawin din natin ang ating bahagi bilang mabuting mamamayan. Mag-ingat tayo ngunit ipagpatuloy natin ang ating normal na pamumuhay. Huwag maniwala sa mga tsismis, mga espekulasyon at mga ulat na hindi beripikado.

Gayundin, iulat sa mga tagapagpatupad ng batas ang anumang kahina-hinalang aktibidad. Kailangan nating maging mapagmatyag; hindi ito ang panahon para magkawatak-watak.

Kailangang doblehin ang pagsisikap na lutasin ang kahirapan, na ugat ng terorismo. Suportahan natin ang pagsisikap ng administrasyon na isulong ang kapayapaan at kaunlaran sa magugulong dako ng Mindanao.

Kailangan ding isulong ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines at mga grupo ng rebeldeng Muslim. Mawawalan ng halaga ang Abu Sayyaf kapag nakamit ng mga taga-Mindanao ang kapayapaan at kasaganaan na karampatan sa kanila.

Nasabi ko na sa nakaraan, na walang relihiyon, adbokasiya o pulitika na magbibigay ng katwiran sa mga gawain ng terorista na gaya ng nangyari sa Davao. Walang alinlangan sa aking isipan na ang nasabing pag-atake ay lalong magpapalakas sa ating loob upang tiyakin ang kinabukasan na payapa, mapagbigay at maunlad.

Ngayon ang panahon upang maipakita natin ang pagkakaisa. Ito ang susi sa kadakilaan ng mga Pilipino.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)