ISA nang santa ngayon ang madre na nagtatag sa Missionaries of Charity na isinilang sa Albania pero nanirahan sa India kapiling ang mga dukha at salat sa pribilehiyo. Siya ay si Mother Teresa. Noong nabubuhay siya, tinatawag na siyang “The Living Saint”. Idineklara siyang santa ni Pope Francis noong Setyembre 4. Dalawang milagro ang tinukoy na kagagawan (intercession) niya para ituring at maging kuwalipikadong santa/o ng Simbahang Katoliko.

Bago umalis sa bansa si President Rodrigo Roa Duterte para dumalo sa 49th Association of Southeast Nations Leaders’ Summit sa Laos, isang malakas na pagsabog ang naganap sa isang kilalang night market noong hatinggabi ng Biyernes sa Davao City na ikinamatay ng 15 tao at ikinasugat ng 71 iba pa. Habang sinusulat ko ito, tinutugis na ng mga awtoridad ang nasa likod ng explosion.

Inako ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang karumal-dumal na krimen na ikinasawi ng mga inosenteng sibilyan at ikinasugat ng maraming iba pa. Gayunman, hindi rin inaalis ang posibilidad na ang may kagagawan ng pagpapasabog ay mga drug lord na kalaban ni Mano Digong. Nais ni RRD na pulbusin ang ASG at sugpuin ang talamak na illegal drugs sa maraming parte ng bansa.

May mga balitang hinamon pa ng liderato ng ASG na tatapatan nila ng bangis ang ipinadalang mga sundalo ni President Rody sa Sulu at Basilan upang sila’y pulbusin. Mismong sa lungsod ng pangulo isinagawa ang karahasan. Akala ng marami ay ligtas ang siyudad at hinahamon pa niya ang sinumang nagdududa sa kalinisan ng Davao City na maglakad kahit gabi para subukan na ligtas dito.

Sabi nga ng kaibigan ko: “Mukhang nalusutan ng mga terorista ang mga pulis at sundalo sa Davao City. Buti na lang at hindi ang presidente natin ang nadisgrasya.” May hinalang bunsod ng matinding operasyon ng military sa mga kuta ng ASG sa Sulu at Basilan, nais ng tulisang grupo na gumawa ng karahasan sa ibang lugar upang ma-divert ang atensiyon ng mga tropa ng gobyerno. At mismong sa lungsod pa nga ng pangulo ito isinagawa.

Sa layuning mapuksa nang husto ang illegal drugs sa ‘Pinas, target ngayon ng Oplan Tokhang ni PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa ang mga condominium at call center sa Metro Manila. Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Oscar Albayalde na sinusuri at sinisiyasat nila ang mga ulat na ginagamit ng drug pushers ang mga condominum dweller at call center agent sa kanilang illegal drug transactions.

Samantala, mahigpit na itinanggi ng isa sa dalawang ex-staff ni Sen. Leila de Lima na siya ay tetestigo laban sa dating Justice Secretary na isinasangkot sa drug trafficking ng Department of Justice at ng National Bureau of Investigation. Siya ay si Bogs Obuyes na ang tunay na pangalan ay Edna Obuyes, dating contractual clerk sa tanggapan ni De Lima.

Hintayin na lang natin ang susunod na mga development tungkol sa kontrobersiya na hinaharap ngayon ng may “yagbols” na senadora habang binobomba siya ng mga akusasyon nina President Rody at DOJ Sec. Vitaliano Aguirre III tungkol sa umano’y drug matrix na siya ang pangunahing karakter sa drug lords protection sa New Bilibid Prison. Nasaan kayo mga senador at kongresista, bakit kayo tahimik? (Bert de Guzman)