SA biglang tingin, ang hindi pagtatalaga ni Presidente Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang “caretaker” ng gobyerno habang siya ay tumutupad ng isang makabuluhang misyon sa ibang bansa ay nangangahulugan ng kawalan ng tiwala; tila may pag-aalinlangan ang Pangulo sa kakayahan at katapatan ng isang lider sa pagtupad ng mahalagang tungkulin. Nangangamba kaya ang Pangulo na may aagaw sa kanyang trono samantalang siya ay wala sa bansa?

Hindi ganito ang aking pananaw sa gayong sitwasyon. Manapa, naniniwala ako na ang pagtatalaga ng isang “caretaker” ay karapatan ng isang Pangulo; kung sino ang kanyang nais hirangin sa hanay ng kanyang mga kapanalig. Walang makapag-utos sa kanya na hirangin ang sinuman, lalo na kung iyon ay hindi naman niya kapartido.

Ang sistemang ito ay naging kalakaran na sa ilalim ng alinmang administrasyon. Kaya’t madalas kaysa hindi, ang isang Executive Secretary ng isang Pangulo ang itinatalagang caretaker sa panahon ng mahigpit na pangangailangan.

Ang mistulang pagwawalang-bahala ng sinumang Pangulo sa pagtatalaga ng isang Vice Presidente hindi lamang bilang pansamantalang Presidente kundi bilang miyembro ng Gabinete at opisyal ng iba pang kagawaran ay hindi nangangahulugan ng kakulangan ng kakayahan; at lalong hindi ito kawalan ng katapatan sa pagtupad ng makatuturang misyon sa pamahalaan.

Ang totoo, may mga pagkakataon na ang isang Vice President ay higit na nagtataglay ng katalinuhan at maningning na katangian na karapat-dapat sa isang sensitibong tungkulin kaysa sa nanunungkulang Presidente. Dahil dito, malimit na nagmumukhang tau-tauhan ang isang lider sa hanay ng kanyang matatalinong kaalyado.

Naalaala ko ang isang isyu na madalas lumutang sa mga media forum na malimit ding ipinaliliwanag sa pamamagitan ng pabirong pamamaraan: Ano ba ang pangunahing tungkulin ng isang Vice President? Ito ay pabiro namang tinutugon:

Ipinalangin na may mangyari sa Presidente upang siya ang humalili sa trono. Siya ay isang “spare tire” na lagi umanong naghihintay na maging Pangulo.

Sa seryosong paglalarawan, naniniwala ako na ang isang Vice President ay isang makatuturang bahagi ng makinarya ng gobyerno na katuwang sa pagbalangkas ng mga patakarang pangkaunlaran at pangseguridad, lalo na kung ang administrasyon ay ginigiyagis na matinding problema. Dangan nga lamang at ang pagkilala sa kanyang kakayahan upang maitalaga sa alinmang puwesto ay tanging karapatan ng isang Pangulo. (Celo Lagmay)