Kritikal ngayon ang isang lalaki matapos pagtulungang tagain ng dalawang ‘di kilalang lalaki na kanya umanong nakatalo sa inuman sa isang bar sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Inoobserbahan ngayon ng mga doktor si Alan Siega, 42, helper ng JLC Construction at residente ng Block 1, Lot 12, España II, Sampaloc, Maynila dahil sa tinamong sugat sa ulo at kanang braso.
Sa ulat ni Police chief Insp. Michael Garcia, deputy station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nangyari ang pananaga sa Oroquieta Street sa Sta. Cruz, dakong 1:00 ng madaling araw.
Ayon kay Candido Pedrosa, 50, kasamahan ng biktima, umiinom sila ni Siega sa loob ng Jersey Bar nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nila at ng grupo ng mga suspek na umiinom sa kabilang mesa.
Naawat naman umano ang gulo hanggang sa lumabas na ng bar ang mga suspek, habang papauwi sina Siega at Pedrosa.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik umano ang dalawang suspek na armado na ng bolo hanggang sa naabutan si Siega at pinagtataga. (Mary Ann Santiago)