BANGKOK (AP) — Kinokontra ng China ang lahat ng pag-uusap na maaaring banggitin ang mga iringan nito sa karagatan sa mga pandaigdigang pagpupulong, kabilang sa G-20 summit na nagtapos nitong Lunes sa Hangzhou at sa mga susunod na pagpupulong ng mga lider ng Southeast Asia at kanilang mga partner sa Laos.
Ikinatuwa ng Beijing ang pahayag ni Philippine President Rodrigo Duterte na hindi niya babanggitin ang usapin sa pagtalima ng China sa hatol ng isang international tribunal na nagbabasura sa territorial claims ng Beijing sa South China Sea.
Sumandal ang China sa kaalyado nitong Cambodia para harangin ang anumang hayagang pagbanggit ng mga tensiyon sa South China Sea sa mga communiqué kasunod ng mga pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), dahil ayaw nitong komprontahin ang nagkakaisang bloc.
Si President Barack Obama ay mas direkta sa pagpapahayag ng kanyang mga agam-agam sa ikinikilos ng China.
May mga espekulasyon na maaaring mas magiging assertive ang mga galaw ng China sa karagatan matapos ang G-20 meeting at eleksyon sa US sa Nobyembre. Kabilang sa mga nakikitang susunod na hakbang nito ang pagsisimula ng mga bagong reclamation project sa mga bagong lugar o pagdedeklara ng air defense identification zone (ADIZ) sa mahahalagang bahagi ng dagat.