LUMILITAW sa gumugulong na imbestigasyon sa naganap na pagsabog sa kilalang night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi, na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 7i iba pa, ay kagagawan ng dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at eksperto sa paggawa ng Improvised Explosive Devise (IED).

Ito ay pinangalanang si Abdul Manap Mentang na ngayon ay sinasabing pinuno ng isang grupo ng mga bandidong kaalyado ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG). Siya ang itinuturing na utak sa pagsabog na naganap noong 2005 sa Ecoland bus terminal ng naturang lungsod. Ang pagsabog na ito ay tinaguriang Valentine’s Day Bombing na ikinasawi ng isang 12-anyos na lalaki.

Si Mentang ay hindi isang ordinaryong terorista lamang. Ayon sa mga ekspertong imbestigador na aking nakausap, si Mentang ay dating miyembro ng MILF-Special Operations Group (SOG) na mga dalubhasa sa paggawa ng mga IED at pagpapasabog sa mga lugar na tinatarget noon ng MILF na paghahasikan ng lagim.

Ang pagiging eksperto niya sa paggawa ng mga IED, na ang triggering devise ay cellphone, ang naging signature ng mga likha niyang pampasabog na gumagamit din ng mga 60mm at 81mm mortar.

Isa siyang instructor sa paggawa ng mga IED at marami na siyang naturuan, hindi lang mga lokal na terorista kundi maging mga banyagang ipinadala rito para matutuhan ang istilo sa paggawa ng bomba ng MILF-SOG, bago pa tuluyang na-disband ang grupo.

Nang magkahiwalay-hiwalay ito, hindi na na-monitor ng intel community kung saan-saan napunta ang mga miyembro ngunit may mga ilang sumama sa bandidong ASG at mga kaalyado nitong grupo gaya nga nang kinaaniban ni Mentang.

Hindi biro ang nalalaman ni Mentang sa paggawa ng bomba kayat siya’y kasama sa mga pinaghahanap ng mga militar at pulisya. May hawak ng larawan ni Mentang si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa at inaasahang iuutos niya ang pagsasa-publiko nito sa darating na mga araw.

Bagamat signature pa lamang ni Mentang ang bombang ginamit sa pagsabog sa Davao City, hindi isinasantabi ng mga imbestigador na maaaring isa mismo si Mentang sa may kinalaman sa nasabing pagsabog kung hindi man siya mismo ang utak nito.

Lalabas ito kapag naaresto ang kahit isa sa tatlong suspek na sinasabing nag-iwan ng backpack sa Spa Parlor kung saan naganap ang pagsabog. May mga artist sketch na nabuo para sa pagkakakilanlan ng mga ito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)