NAKATSIKAHAN namin si Direk Antoinette Jadaone sa grand presscon ng Till I Met You pagkatapos ng Q and A. Aminado siyang sobra ang pressure sa kanya ng ikalawang serye nina James Reid at Nadine Lustre na umeere na ngayon at nagtala ng mataas na ratings sa buong pilot week.
“Kasi di ba usually ‘yung second project ‘yung follow-up ang mas tinitingnan kung ano. Nakaka-pressure lang kasi siyempre second slot na siya (pagkatapos ng Ang Probinsyano), so ibig sabihin mas maraming makakapanood. ‘Tapos coming from the success of OTWOL (On The Wings of Love) parang may ini-expect silang standard.”
Sa tingin niya, malalampasan ba ng TIMY ang OTWOL?
“Ayokong mag-expect, pero so far kasi ‘yung excitement ko sa project sa Till I Met You parang ‘yung excitement ko dati sa OTWOL, so, I think good sign ‘yun na hindi pa rin ako napapagod gumawa ng love story. Kasi mapapansin ko ‘yun sa sarili ko kapag ano na lang siya, ‘work’ na lang,” pangangatwiran ni Direk Tonet.
May nabago ba sa samahan nina James at Nadine coming from OTWOL?
“Ngayon parang dati pa rin, mas lalong naging sweet pa.”
Nabanggit niya sa Q & A na mas mature raw ang JaDine sa TIMY kaysa sa OTWOL kaya ang tanong namin ‘paano naging mas mature, e, mag-asawa na ang papel ng dalawa sa una nilang serye. Samantalang dito sa ikalawa ay lumalabas na magliligawan palang.’
“Basta, ha-ha-ha, hindi ko pa puwedeng sabihin,” sabay tawa ng direktor.
Dagdag pa niya, “Maski naman nu’ng dati na mag-asawa sila, pa-tweetums pa rin naman, dito mas mabi-build ‘yung relationship talaga, hindi lang ito talaga pa-tweetums.”
Itinanong din namin kung bakit hindi napag-usapan ang papel ni JC Santos sa Q and A , na isang gay na may gusto kay James.
“Kasi gusto kasi naming maging organic ‘yung kuwento. Maski kita sa trailer it started with a friendship talaga. Gusto lang namin maging natural ‘yung development ng kuwento,” katwiran ni Direk Tonet.
At kung ang magagandang lugar sa San Francisco, California at Lake Tahoe ang ipinakita sa OTWOL, magagandang tanawin naman ng Greece ang ipakikita sa TIMY.
“Dito naman sa TIMY, Athens, Mykonos at Santorini at saka Sampaloc, Manila,” humalakhal na sabi ng direktor.
May babalikan pa ba silang shots sa Greece katulad ng nangyari sa Sanfo!
“Hindi ko alam, depende po sa magiging takbo ng kuwento. Kasi ‘yung On The Wings of Love, dapat talaga silang bumalik kasi nag-full circle ‘yung kuwento nila, so tama lang na bumalik sila (JaDine). So dito (TIMY), hindi ko pa masabi kung babalik.”
Nu’ng hindi pa umeere ang Till I Met You ay may dalawang linggong nakabangko sina Direk Tonet at sabi namin na madaling maubos iyon lalo’t hindi naman siya ‘yung tipong direktor na mabilis.
“Oo, mabagal ako (20 sequences lang kayang tapusin sa isang araw), si Direk Dan (Villegas) ang mabilis, siya ‘yung co-director ko sa Greece, dito sa Manila, si direk Andoy Ranay na pero confident ako sa Dreamscape,” sabi sa amin.
Kaya posibleng araw-arawin ang taping ng Till I Met You dahil 12-midnight ay pack-up na sila kaya may sapat na oras para magpahinga.
Samantala, hiningan namin ng komento si Tonet sa napakagagandang review sa pelikulang Camp Sawi na idinirek ng kaibigan niyang si Irene Villamor na kapwa niya protégé ni Binibining Joyce Bernal
May nagsabing mas magaling daw na direktor si Irene kumpara kay Direk Tonet, pero para sa amin ay hindi pa dapat pagkumparahin dahil nakakaisang pelikula pa lang ang una samantalang nakakarami na ang huli bukod pa sa blockbuster niyang teleserye.
Pero nagulat kami dahil sumang-ayon si direk Tonet na mas magaling daw talaga sa kanya si Direk Irene.
“Alam n’yo, hindi lang nabibigyan si Irene, mas nauna lang siguro ako nabigyan ng opportunity na magdirek, pero actually, magaling talaga si Irene. As in, I will go as far I say na magaling talaga siya. Nu’ng pumasok ako as script con (consultant), si Irene, matagal na siya kay Direk Joyce, so nag-start din siya as script con kung papaano rin ako pumasok kay Direk Joyce.
“Nu’ng pumasok ako kay Direk Joyce, nawala ‘yung assistant director niya, at naging AD si Irene, ‘tapos ako script con pa rin. So, si Irene, matagal na siya kay Direk Joyce.
“Panahon pa ng mga Piolo (Pascual)-Juday (Judy Ann Santos), magaling talaga si Irene kasi siya ay very emotional director. Kunyari kung ako mas rom-com, si Irene sobrang sincere, very passionate director and nakita ko ‘yun sa Relaks, Its Just Pag-ibig movie pa lang, sa amin dalawa ‘yun, co-writer and co-director. Pero ako lang ‘yung nababanggit noon.
“Kaya sobrang happy ako sa Camp Sawi for Irene. Nu’ng unang-unang ko pa lang napanood ‘yung rushes, sobrang nagandahan na ako talaga, kaya nu’ng pinanood namin ‘yung premiere night, katabi ko si Direk Joyce at next niya si Irene, sobrang happy talaga ako at pumapalakpak talaga ako for her. First solo movie ni Irene ang Camp Sawi,” masayang papuri ni direk Tonet sa baguhang direktor.
Kaya siguro bigyan na kaagad ng follow-up si Direk Irene?
“Actually, gusto pa ulit ni Irene magpelikula, marami siyang nakabangkong (script),” kaswal na sabi sa amin.
Ayaw ba ni Direk Irene na gumawa ng teleserye?
“Hindi ko alam, sinasabi ko nga sa kanya magserye siya, pero siguro may ganu’n talaga kapag kunyari, kaka-break mo pa lang ng pelikula, nandoon ka pa sa high ng pelikula, gusto mo gumawa ulit ng pelikula.”
Iba-iba pala talaga ang priority ng mga direktor?
“Kasi siguro mas love nila ang TV kaya ayaw magpelikula. Kasi kapag love na love mo ang isang bagay, parang hirap umalis sa comfort zone mo,” sagot ni Direk Tonet. “Like ako, nu’ng pelikula pa lang, ang tagal ko nagpelikula, parang takot na takot akong mag-TV kasi baka may mali ako,” paliwanag niya.
Hirit namin, ang ganda ng una niyang seryeng OTWOL.
“Natulungan kasi ako ng mga taong nasa paligid ko.”
At dahil busy na ulit sa TIMY si Direk Tonet, malabo na naman siyang makagawa ng pelikula.
“Oo, wala muna kasi baka mamatay na ako,” natawang sagot sa amin.
So, one year ulit ang hihintayin bago siya makagawa uli ng pelikula, kasi siguradong mahigit isang taon ang itatakbo ng Till I Met You.
“Ha-ha-ha, hindi naman, hindi ko alam. ‘Wag naman, gusto kong gumawa ng indie film,” natawang sabi ng direktora.
Hala, ayaw ba niyang mag-extend nang mag-extend ang TIMY?
“Depende sa kuwento, pangit naman kung ini-extend lang dahil kailangan.”
Bakit naman indie movie ang gusto niyang gawin at hindi commercial?
“Nami-miss ko na, kasi last indie ko, That Thing Called Tadhana, ang tagal na. Mas maraming compromise kasi kapag mainstream, sa indie, walang pera, pero may some magic kang nagagawa maski wala kang budget,” paliwanag ni Direk Tonet. (NORA CALDERON)