FOLLOW-UP ito sa sinulat namin tungkol sa ASAP Live in New York na ginanap nitong nakaraang Linggo. Nalaman namin na $200 pala ang presyo pala ng front seats at $150 naman sa iba pang puwesto pero balewala lang sa mga kababayan natin dahil sulit na sulit daw ang mga napanood nila at mga artistang nakita sa personal.
Nakakaalis daw ng pagod at tanggal ang homesick!
“Sobrang ganda ng show, lahat halos ng production numbers nila ang gaganda, halatang pinaghandaan nila. Sa five hours show (5-11 PM with 30 minutes break), sobrang sulit na at nakakaalis ng pagod,” sabi ng aming mga kaanak at kaibigang nanood sa Barclay Center na may 12 thousand seating capacity.
“Napuno halos ang Barclay Center, kasi ‘yung mga ibang Pinoy, galing pa pala ng Canada, Maryland at Connecticut.
Sulit na ang $200 at $150 na bayad mo for a 5-hour show. They gave us a fantastic show,” kuwento pa sa amin.
At heto na, Bossing DMB, dahil limang oras ang show at walang gustong tumayo sa puwesto lalo na ‘yung mga nasa harapan na medyo senior citizen na, “Naku, ‘yung isa ro’n, sumisigaw na kasi naihi na, nagtawanan nga ‘yung mga katabi.
“Walang gustong tumayo o umalis sa puwesto, lahat namamaos na sa kasisigaw, mabuti na lang malakas at ang ganda ng sounds, maganda sa Barclay kasi.”
Nabaliw daw ang lahat sa performance ni Vice Ganda na Boom Panot at Pak Ganern.
“Grabe si Vice, lahat tilian na, wala ka nang marinig at ang bait niya. Muntik siya madapa pagbaba niya ng stage para mag-reach out sa fans, ako rin muntik masubsob kasi sinalubong ko siya,” tumatawang sabi ng aming Tita Mercy Aranjuez.
Kuwento pa niya, ang most applauded artists na nag-perform ay sina Vice, Coco Martin, Gary Valenciano, Martin Nievera & Birit Queens (Angeline Quinto, Klarisse de Guzman, Jona at Morissette).
“Nakakatuwa kasi parang naging reunion venue ang show ng ASAP kasi nagkita-kita ang mga friends and relatives at ibang kababayan na decades nang hindi nagkikita. Kaya thankful din kami sa ABS-CBN kasi nag-show sila rito. I’m sure lahat ng hotels sa New York kumita kasi maraming dumayo rito,” kuwento pa sa amin.
Kaya biniro namin ang kaanak namin na paupahan na lang niya sa susunod ang bahay niya na nasa harap lang ng Central Park.
“Puwede rin, tutal malaki naman itong bahay. Katabi nga namin, ginagawang AirBnb ang bahay niya,” sagot din ng kaanak namin.
Sa kanya na rin namin nabalitaan na magkakaroon ng show sina Erik Santos at Angeline, “Sa October 9, may show sina Erik Santos & Angeline Quinto sa Carnegie Hall, watch ulit kami.”
Samantala, pagkatapos manood ng ASAP ay ang mga programang Till I Met You, Ang Probinsyano, Doble Kara at ang bagong ereng The Greatest Love naman ang pinagkuwentuhan namin. Walang kaduda-duda, solid Kapamilya ang mga kaanak namin sa nasabing bansa.
“Sandali palang lumabas si Mamay Pacing (Sylvia Sanchez) sa The Greatest Love. Ikumusta mo ako, ha, ay Nanay Gloria na pala siya,” sambit pa.
Mukhang marami naman ang nababaliw kay JC Santos na ang dami rin fans sa Amerika.
“He’s kinda cute guy, very hot, okay lang maski gay siya, I like him,” sabi naman ng katsikahan naming dalaga na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Pero kaagad naming kinorek na hindi gay in real life si JC kundi sa kuwento lang ng Till I Met You. (REGGEE BONOAN)