Hiniling ng Department of Tourism (DoT) sa Philippine National Police (PNP) na mas higpitan at doblehin pa ang ipatutupad na seguridad para sa gaganaping Miss Universe Pageant sa bansa sa susunod na taon, kasunod ng naganap na pambobomba sa Davao City kamakailan.
Nilinaw naman ni Ina Zara-Loyola, director ng Office of Public Affairs and Advocacy ng DoT, na wala silang pagbabantang natatanggap sa seguridad ng gaganaping Miss Universe pageant sa January 2017.
Gayunman, humihiling pa rin sila ng dagdag na seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok sa patimpalak.
Tiniyak rin nito na tuloy pa rin ang pagdaraos ng terno fashion show na isa sa ancillary events ng Miss Universe, pero mas mahigpit na seguridad na ang inilatag maging sa SM MOA kung saan magaganap ang coronation night.
(Mary Ann Santiago)