“KUNG ang budget ay para sa tunay na pagbabago,” tanong ni Sen. Ping Lacson, “bakit hinahayaan ang mga mambabatas na magpanukala ng kani-kanilang proyekto sa planong paggastos ng salapi ng bayan na sila mismo ang maingat na mag-aaral at magpapahintulot nito?”

Ibinabalik, aniya, nito ang maanomalyang pork barrel.

Ang tinaguriang pork barrel, o Priority Development Assistance Fund (PDAF), ng mga mambabatas ang nagtulak sa mamamayan noon para magsagawa ng “One Million March” sa Luneta, sa galit nila rito. Kasi, ginawa itong daan ng mga mambabatas para paduguin ang kaban ng bayan. Idineklara itong unconstitutional.

“Isa ako sa mga petitioner laban sa PDAF at DAP, kaya hindi ako maituturing na guilty ng hypocrisy na ginawa noong nakaraan,” pagmamalaki ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa pagtatanggol niya sa bahaging ito ng budget na, ayon kay Lacson, ay pork barrel din.

Ang pork barrel na illegal, aniya, ay iyong inihihingi ng mambabatas ng pondo para sa kanyang proyekto gayong tapos nang aprubahan ang budget.

Hindi pa naman tapos ang budget, sabi niya.

Pero, tingnan nating maigi itong sinasabi ni Diokno na hindi ito pork barrel. Sa bagong mekanismo, na utak ni Diokno, bawat miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay hiningan ng panukala para sa kani-kanyang proyekto sa halagang P80 milyon na ang suma ay aabot sa P24 bilyon. Kung ang proyekto ay karapat-dapat, makinig, aniya, tayo sa mga kongresista. May karapatan daw ang mga ito na lapitan siya bago maipasa ang budget. Iyon daw proyekto ay dapat naaayon sa prioridad ng administrasyong Duterte para maaprubahan ito, hindi gaya ng basketball court o waiting shed.

Pero, aminado si Diokno na sa puntong ito ay nakikialam ang mga mambabatas sa National Expenditure Program (NEP)

Hindi dapat makialam ang mga mambabatas sa NEP. Ang paggawa ng budget ay trabaho ng ehekutibo, na kinakatawan ni Diokno, samantalang ang pag-apruba ay sa Kongreso.

Paano mapag-aaralang mabuti ng mga mambabatas ang budget kung makabubuti o makasasama ang hinihiling ng ehekutibo na pondohan, eh, nakakawing dito ang kanilang interes? Sa palagay kaya ninyo ay matatanggihan ang gusto ng Pangulo?

Isa pa, tangan na ng Pangulo sa ilong ang mga mambabatas. Sunud-sunuran sila sa gusto nito, kung hindi ay tatanggihan ni Diokno ang hihilingin nilang pondo para sa kanilang proyekto. O, kaya bago niya ibigay ito ay mayroong “for the boys”. (Ric Valmonte)