SA isang iglap, kahilera na tayo ng mga bansang ginulantang ng pag-atake ng mga terorista. Nobyembre noong nakaraang taon nang atakehin ang Paris, France, ng mga armadong lalaki na may kaugnayan sa Islamic State at nasa 130 ang nasawi. Marso naman nang masawi ang 30 sa pag-atake sa Brussells, Belgium. Noong Hulyo, mayroong nagpaulan ng bala at nagsagawa ng suicide bombing sa Ataturk International Airport sa Istanbul, Turkey, at 45 ang namatay. Agad naman itong sinundan ng pag-atake sa isang restaurant sa Dhaka, Bangladesh, na ikinasawi ng 20 dayuhan. Nang sumunod na araw, pinasabog ang isang suicide car bomb sa mataong pamilihan sa Baghdad, Iraq, at 213 ang namatay.
Nitong Biyernes, isang bomba ang sumabog sa isang night market sa Davao City, na ikinasawi ng 14 at ikinasugat ng 70 iba pa. Nakapagtala na tayo ng mga pagkasawi sa mga labanan noon, ngunit ito ang unang pagkakataon na naglunsad ng pag-atake sa mga sibilyan, malayo sa alinmang operasyon ng pulisya o militar. Pawang karaniwang mamamayan ng Davao, kabilang ang ilang dayo na abalang namimili at nagliliwaliw sa night market ang nabiktima.
Ang nangyari ay isang tipikal na operasyon ng terorismo. Hindi pinupuntirya ng mga terorista ang isang partikular na tao, gaya ng isang pinuno ng bansa o opisyal ng militar. Target nila ang mga karaniwang tao sa mga pangkaraniwang lugar na hindi inaasahang mababalot ng karahasan. Kung maaaring mabiktima ang mga inosenteng walang kamalay-malay, pupuwede itong mangyari sa kahit na sino sa bansa. Kaya naman nakadarama ng pangamba ang buong bansa at kapag nangyari ito, mahihinto ang normal na pamumuhay.
Puntirya ng mga terorista ang pinakamaraming pagkamatay. Kaya naman madalas silang umaatake sa mga abalang paliparan, palengke at shopping mall, at mga misa, konsiyerto, gimikan, at sa iba pang lugar na maraming nangagkakatipon. At Davao ang inatake nila nitong Biyernes. Dahil dito, hanggang hindi natin napapanagot ang may sala, maraming tao ang pansamantalang iiwas na magtungo sa mga pagtitipon.
Agad na pinagsuspetsahan ang Abu Sayyaf, isang grupong terorista sa Mindanao na namugot sa marami nitong bihag na nabigong magbayad ng hininging ransom. Ipinag-utos ni Pangulong Duterte noong nakaraang buwan ang todong opensiba ng militar upang durugin ang Abu Sayyaf, kasunod ng pamumugot nito sa isang 18-anyos na lalaki na hindi nabayaran ng pamilya ang P1-milyon ransom.
Ngunit mayroong iba pang anggulo. Tinitingnan din ng pulisya ang posibilidad na sangkot sa insidente ang mga dismayadong vendor, kasunod ng pagkakaloob kamakailan ng mga puwesto sa night market. At nariyan din ang anggulo ng droga. Sa nakalipas na mga linggo, niyanig ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte ang kabuuan ng makapangyarihang drug market sa bansa, at daan-daan ang napatay, libu-libo ang naaresto at daan-daang libo ang sumuko sa mga awtoridad. Hindi maaaring balewalain ang anggulong ito at maaari pa ngang makumpirma kung masusundan ang mga pambobomba sa iba pang bahagi ng bansa, hindi lamang sa Mindanao kung saan nambibiktima ang Abu Sayyaf.
Sa harap ng lahat ng ito, nanawagan si Pangulong Duterte sa lahat na maging kalmado at tiniyak na ginagawa ng militar at pulisya ang lahat upang maiwasang maulit ang anumang pag-atake. Nagdeklara siya ng “state of lawless violence” upang pakilusin ang sandatahang lakas na ayudahan ang pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan at iwasan ang anumang karahasan.
Tiwala tayong kontrolado ng Pangulo at ng gobyerno ang lahat. Subalit kakailanganin nila ang suporta at tulong ng mamamayan, na kailangang alerto sa mga nangyayari sa kapaligiran, gaya ng pagpuna sa isang misteryosong kahon na naiwan sa upuan ng isang pampasaherong bus, mga kahina-hinalang tao, o nakapakinig ng pag-uusap o anumang impormasyon na may kinalaman sa posibleng pag-atake. Sa ating pagtutulungan, mahalagang mapagtagumpayan natin ang hamon na ito sa ating kapayapaan at kaayusan at sa malaya nating pamumuhay.