Mula sa dating P500 penalty, itinaas na sa P3,000 ang multa sa bawat mahihilang sasakyan na ilegal na nakaparada sa kalye.

Ito ang tiniyak ni Victor Nuñez, pinuno ng Towing Operations Group ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Agad na ipatutupad ang pinataas na multa sapagkat gagamitin na ng Inter-Agency Committee on Traffic (IACT) ang traffic violations ticket ng Land Transportation Office (LTO).

“In the past, the MMDA issue tickets with P500 corresponding fine, but with LTO joining the operation, penalty is now P3,000 for illegal parking and obstruction,” ani Nuñez.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang IACT ay kinabibilangan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Armed Forces of the Philippines.

Puspusan ang trabaho ng komite upang maibsan ang matinding problema sa trapiko, lalo na sa Metro Manila.

Simula nang ilunsad ang operasyon laban sa illegal parking, umaabot na sa 1,006 sasakyan ang na-impound noong Hulyo at 1,355 sasakyan naman noong Agosto.

“Our clearing operation is not just limited to Mabuhay lanes but arterial roads that can serve as alternative roads for motorists,” dagdag pa ni Nuñez. (Anna Liza Villas-Alavaren)