NAKAKATAWA rin ang fans nina Alden Richards at Maine Mendoza. Nitong mga nakaraang araw, marami sa kanila ang nagrereklamo na tapusin na raw ang kalyeserye ng Eat Bulaga dahil hindi na maganda ang takbo ng story at naiinis sila kapag konting oras na lamang ang natitira sa show para makita nilang magkasama ang kanilang mga idolo.
Noong Sabado, September 3, nagulat ang mga nanood nang live sa Broadway studio at ang televiewers nang biglang matapos ang kalyeserye sa hashtag na #ALDUBLolasUSBound.
Nagpaalam na sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Lola Tinidora (Jose Manalo) sa apong si Maine dahil gusto na nilang bumalik sa Amerika dahil nandoon ang pamilya nila. Maiiwan sa mansion si Maine at pinakiusapan nila si Alden na alagaang mabuti ang kanilang apo, dahil malaki naman ang tiwala nila sa kanya. Iniwanan din ng mga lola ang mga Rogelio para mabantayan si Maine.
Nagpahayag ng pasasalamat si Lola Nidora: “Maraming salamat po sa pagsuporta sa kalyeserye at sa walang sawang pagsubaybay sa show. Kung hindi dahil sa inyo, hindi kami magtatagal nang ganito at nawa’y marami kayong natutunan sa amin. See you soon!”
Nagsimula ang kalyeserye noong July 16, 2015 nang unang magkita sa split screen sina Alden at Maine at natapos noong September 3, dalawang araw matapos sagutin na ng ‘oo’ ni Maine si Alden.
Ngayon naman, sinasabi ng AlDub Nation, bakit daw natapos na ang kalyeserye na nagbibigay ng kasiyahan sa kanila lalo na sa mga nagmamahal kina Alden at Maine, silang may mga maysakit na kaaliwan sila tuwing tanghali. Nakakalungkot din daw palang hindi na nila mapapanood ang mga lola.
Nakausap namin si Jose noong Linggo, September 4, bago nagsimula ang celebration ng first birthday ng Sunday Pinasaya at nasabi namin na maraming nanghihinayang sa pagtatapos ng kalyeserye.
Ibabalik din naman daw ng Eat Bulaga, papahingahin lang muna. At sa pagbabalik, baka raw iba na ang takbo ng istorya at mapo-focus naman kina Alden at Maine, baka sila iyong normal nang trio nina Wally at Paolo Ballesteros. In-assure na niyang babalik na si Paolo sa show.
Sa ngayon daw kasi, busy na silang nagsu-shooting ng Enteng Kabisote 10 The Abangers para sa coming Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December. Kailangan na raw nilang mag-full-time ng shooting nina Bossing Vic Sotto dahil sa October 31 na ang deadline of submission ng finish product ng bawat lalahok sa festival para piliin ang eight movies na magiging official entry sa MMFF ng screening committee.
Kaya sina Alden at Maine ay makakasama raw muna nila sa sugod bahay ng Juan For Fall All For Juan. Ibabalik din ang “Lola’s Playlist” na sinimulan nila noon sa kalyeserye na mga batang age 12 below ay kakanta ng mga old songs noong 50s, 60s, 70s. (NORA CALDERON)