Idedepensa ni WBO bantamweight champion Marlon Tapales ng Pilipinas sa unang pagkakataon ang kanyang titulo laban kay Takuma Inoue ng Japan sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan sa Disyembre 30.

Sinabi ng manedyer ni Tapales na si Rex ‘Wakee’ Salud sa Philboxing.com na pumayag siya sa alok ni matchmaker Joe Koizumi matapos magwagi si Inoue kay world rated Froilan Saludar na isa ring Pilipino kamakalawa ng gabi sa kumbinsidong 10-round unanimous decision sa Sky Arena sa Zama, Kanagawa, Japan.

Napabagsak ni Saludar sa 1st round si Inoue ngunit nakabawi ang Hapones at siya naman ang pinagulong sa lona sa ikawalo at ikasiyam na round kaya nagwagi sa score cards ng mga hurado.

Natamo ni Tapales ang kanyang WBO title nitong Hulyo 27 nang patulugin ang dating kampeon na si Thai Pungluang Sor Singyu sa 11th round sa Ayutthayan, Thailand.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Maraming alok si Tapales na idepensa ang korona tulad ng offer ni dating IBF bantamweight champion Paul Butler ng Great Britain sa sagupaan sa London ngunit mas pinili ni Salud ang laban sa Japan.

Nakalista si Inoue na No. 4 sa WBC, No. 7 sa WBA, No. 11 sa WBO at No. 12 sa IBF sa super flyweight division at dapat na elimination bout ang laban nila ni Saludar na WBC No. 15 sa flyweight division para sa karapatang hamunin si WBO super flyweight champion Naoya Inoue kaya pinili ni Koizumi na umakyat na lamang ng timbang si Takuma para hamunin si Tapales.

May rekord si Tapales na 29-2-0 win-loss-draw na may 12 pagwawagi sa knockouts samantalang may perpektong kartada si Inoue na 8 panalo, 2 lamang sa knockout. (Gilbert Espeña)