Sumuko sa awtoridad ang isang holdaper at drug courier, na sinasabing suspek sa pagpatay sa opisyal ng Parañaque City Police na naaktuhan silang hinoholdap ang isang convenience store sa lungsod, nitong Linggo ng madaling araw.

Dakong 10:00 ng umaga kahapon nang iprisinta sa media nina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at Parañaque Police Chief, Senior Supt. Jose Carumba si Joel Betuaran, 29, ng Pildera II, Pasay City, na kakasuhan ng murder sa City Prosecutor’s Office sa pagkakapatay kay Chief Insp. Nelson Pagaduan, commander ng Police Community Precinct (PCP) 2.

Nangako naman ng tulong pinansiyal si Olivarez at ang pulisya sa naulilang pamilya ni Pagaduan, na may tatlong maliliit na anak.

Sa ulat ng pulisya, dakong 12:12 ng madaling araw nang holdapin ni Betuaran, kasama si Freddie Palacay, ng Pasig City, ang 7-Eleven sa Pascor Drive sa Barangay Sto Niño.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Habang hinoholdap nina Betuaran at Palacay ang tindahan ay biglang dumating si Pagaduan para bumili ng tubig, ngunit nataranta ang dalawang suspek.

Sa pahayag ni Betuaran, gamit ang isang .38 caliber revolver ay binaril niya ang pulis pero hindi pumutok ang baril at may tumalsik lang na bearing, hanggang si Palacay na ang bumaril kay Pagaduan, na tinamaan sa leeg.

Dito na bumunot ng baril ang security guard ng tindahan na si Lino Oliva at pinagbabaril si Palacay na agad nitong ikinamatay, habang tumakas naman si Betuaran.

Linggo ng gabi, kasama ng kanyang ama, nang sumuko si Betuaran kay Bgy. Sto. Niño Chairman Johnny Co. (Bella Gamotea)