Nakopo nina Kenyan Albert Umbroga at Pinay Sandi Menchi ang tampok na division sa ginanap na CardiMax Clark Ultramarathon nitong Linggo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Nakopo ng 29-anyos Kenyan professional runner na nakabase sa Tagaytay, ang 100-kilometer race, habang nakamit ni Menchi ng The Podium Boutique Hotel Running Team ang distaff side.
Kapwa first-timer sa karera, naitala nila ang panalo sa impresibong pamamaraan. Tinapos ni Menchi ang karera sa loob ng limang oras at dalawang minuto.
Ginapi niya ang karibal na si Melanie Malihan ng Laguna de Bay Running Team sa two-lap race ng 50km road course sa loob ng Clark Freeport Zone
“My motivation was to cross the finish line. Yun lang,” pahayag ni Menchi sa panayam ng Spin.ph.
Tinanghal namang best local runner si Wilnar Iglesia nang sumegunda kay Umbroga.
Nakopo naman ni Jocelyn Elihiran, 38, ang 50K run sa tyempong 4:52.
“Hindi ko na iniisip yung manalo, yung matapos ko lang kasi first ultramarathon ko ito,” aniya.
Nakamit naman ni Philippine-based Kenyan runner Joseph Murori, 34, ang men’s 50k.