Magkakasunod na bomb threat ang natanggap ng ilang unibersidad sa Maynila, kahapon.

Bagamat wala namang natagpuang bomba ang Manila Police District (MPD)-Explosives and Ordnance Division (EOD) sa mga tinakot na unibersidad, nagdulot pa rin ito ng perhuwisyo at tensiyon sa mga guro at mga estudyante, at nagresulta sa pagkakansela ng klase ng isa sa mga unibersidad.

Nabatid na 4:00 ng umaga pa lamang ay nagsimula nang ulanin ng bomb threat ang College of the Holy Spirit Manila, Centro Escolar University (CEU), San Beda College, at Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST).

Ayon kay retired Col. Nick Griño, chief security ng CEU, sa Facebook nila natanggap ang impormasyon hinggil sa planong pambobomba sa unibersidad, na nagmula sa isang Abu Raja, na umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dakong 8:00 ng umaga nang nagbabala si Raja na may sasabog na bomba sa CEU at sa iba pang mga eskuwelahan sa paligid ng Malacañang.

Maliban sa College of the Holy Spirit, hindi naman nagpauwi ng estudyante ang CEU at ang EARIST matapos na magnegatibo ang kanilang mga campus sa anumang pampasabog. (Mary Ann Santiago)