PAWANG Kapamilya shows ang bumuo sa top ten list ng pinakapinapanood na programa sa bansa kaya napanatili pa rin ng ABS-CBN ang pangunguna sa buong bansa nitong nakaraang Agosto sa average national audience share na 47%, o 14 puntos ang lamang sa 33% ng GMA, base sa data ng Kantar Media.
Nangunguna pa rin sa listahan ang FPJ’s Ang Probinsyano na may average national TV rating na 41.2%. Patuloy na sinusubaybayan ng sambayanan ang napapanahong paksa na tinatalakay ng programa kasabay ang magagandang asal na ibinabahagi nito gabi-gabi.
Sinundan ito ng kakatapos lang na The Voice Kids (39.4%) na pinanalunan ng young artist na si Joshua ng FamiLEA; at Dolce Amore (34.5%) na nagtapos na rin.
Mainit ding tinanggap sa primetime ang pagbabalik nina James Reid at Nadine Lustre batay sa naitalang ratings ng kanilang seryeng Till I Met You sa average national TV rating na 28.5% at agad na nakuha ang ikapitong puwesto.
Pasok rin sa top ten ang Wansapanataym (34.1%), TV Patrol (32.7%), MMK (31.8%), Home Sweetie Home (28.2%), Goin Bulilit (27.2%) at TV Patrol Weekend (22.4%).
Pumalo ang ABS-CBN sa average national audience share na 50% sa primetime o 19 puntos ang lamang sa GMA na nakatamo naman ng 31%.
Bukod sa primetime, namayagpag din ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks nationwide noong Hulyo. Wagi ang ABS-CBN sa morning block (6AM to 12NN) sa audience share na 41% vs GMA na may 35%; sa noontime block (12NN to 3PM) kung saan nakatamo ito ng 45% kontra 33% ng GMA, at sa afternoon block (3PM to 6PM) kung saan pumalo ito sa 48% audience share vs GMA na may 32%.
Panalo rin ang Kapamilya sa Total Luzon sa average audience share na 41% vs GMA na may 36%; sa Total Visayas kung saan nagtala ito ng 57% vs GMA na may 24%; at sa Total Mindanao sa audience share na 60% vs GMA na mayroon lang 26%.
Maging sa Total Balance Luzon, ABS-CBN pa rin ang panalo sa average audience share na 49% vs kalaban na may 34% at sa Metro Manila kung saan pumalo ang ABS-CBN ng 37% kontra GMA na may 33%.