Hindi pinalampas ng awtoridad ang pagkakataon na mapatay ang tatlong armado na nakatakda umanong magtapon ng bangkay matapos umiwas sa checkpoint sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napatay na armado na sakay ng isang gray Toyota Avanza, may plakang TGB-477, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na natanggap ni acting Southern Police District (SPD) Director chief Supt. Tomas Apolinario, dakong 1:20 ng madaling araw isinagawa ng mga tauhan ni Las Piñas City Police chief Sr. Supt. Jemar Modequillo ang Oplan Sita sa Real Street at Naga Road, Barangay Pulang Lupa Uno.
Pinahihinto umano ng mga pulis ang sasakyan na kinalululanan ng tatlong armado nang biglang magpaputok ang mga ito, at pilit iniwasan ang checkpoint at dali-daling tumakas patungong C5 Extension.
Hinabol ng awtoridad ang mga suspek hanggang sa makorner ang mga ito habang nakikipagbarilan at tuluyang bumulagta ang tatlo.
Natagpuan sa compartment ng naturang sasakyan ang bangkay ng isang lalaki na ibinalot sa packaging tape ang mukha, nakagapos ang kamay at paa, at isang placard na may nakasulat na, “Tulak ako…magnanakaw…wag tularan”.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Office (SOCO) ng SPD sa pinangyarihan ang isang .9mm pistol (armscor), isang shotgun, isang kalibre .38 na baril at pakete ng shabu.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (BELLA GAMOTEA)