Vatican Pope Mother T_Luga copy

Libu-libong pilgrim ang dumagsa sa St. Peter’s Square para sa canonization ni Mother Teresa, ang madre na kumalinga sa pinakamahihinang tao sa lipunan at naging icon ng Simbahang Katoliko.

Idineklara ni Pope Francis si Mother Teresa bilang santo sa isang Misa nitong Linggo, ginawa siyang huwaran ng Jubilee Year of Mercy. Para kay Francis, isinabuhay ni Mother Teresa ang uliran para sa simbahan na maging maawaing “hospital” para sa pinakamahihirap – kapwa sa materyal at ispiritwal.

Magdamag na nanalangin at nag-vigil ang mga pilgrim sa mga lugar sa paligid ng simbahan at bago magbukang-liwayway ay dumagsa sa Vatican sa ilalim ng matinding seguridad upang makakuha ng magandang puwesto sa Misa na dinaluhan ng mahigit 100,000 katao.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

DEATH ANIVERSARY

Kasunod ng canonization ni Saint Mother Teresa ay ang pagmamarka ika-19 na anibersayo ng kanyang kamatayan ngayong araw, Setyembre 5, sa maraming panig ng mundo kabilang na sa Pilipinas.

Kilala noong nabubuhay pa bilang ‘living saint’, libu-libong kinatawan at pilgrims mula sa Missionaries of Charity sa iba’t ibang panig ng undo, na kanyang itinayo noong 1950, ang sumaksi sa pagtaas kay Mother Teresa sa pagkasanto sa bisperas ng kanyang kamatayan sa mga sermonmya na idinaos sa St. Peter’s Square sa Vatican.

Ngayong araw ay libu-libo rin ang inaasahang magtitipon sa kanyang libingan sa Calcutta, India para sa espesyal na thanksgiving masses at mga panalangin, gayundin ang pag-aalay ng mga bulaklak, kandila at awitin.

Gaganapin ang mga Misa ng Pasasalamat sa mahigit 256 na bansa sa buong mundo, kabilang na sa Pilipinas, na binisita niya noong 1977, 1978, at 1984.

Inialay ang mga novena prayer bilang parangal sa kanya mula Agosto 27 hanggang Setyembre 4. Idineklara ng United Nations ang Setyembre 5 ng bawat taon na International Day of Charity bilang pag-aalala kay Mother Teresa.

Si Mother Teresa ay isang madreng Albanian na may Indian citizenship. Nabantog siya bilang humanitarian at tagapagtanggol ng maralita at mahihina. Siya ay pro-life advocate na inilarawan ang aborsyon bilang “the greatest destroyer of peace in the world.”

Isinilang na Agnes Gonxha Bojaxhiu noong 1910, nanumpa siya sa pagkamadre noong 1931 at pinili ang pangalang Teresa mula kay St. Therese of Lisieux, ang patron ng mga misyonero. Itinatag niya ang Missionaries of Charity noong 1950 at ginabayan ang paglawak nito hanggang sa magbukas sa 256 na bansa at kumakalinga sa mahihirap, may sakit, ulila, at naghihingalo.

Ginawaran siya ng maraming pagkilala kabilang na ang Ramon Magsaysay Award for International Understanding noong 1962, ang unang Pope John XXIII Peace Prize noong 1971, Nobel Peace Prize noong 1979, at “Bharat Ratna” (Gem of India), ang pinakamataas na civilian honor ng India, noong 1980.

Pumanaw si Mother Teresa noong 1997 sa edad na 87 at pinagkalooban ng state funeral ng Indian government bilang pagkilala sa kanyang mga serbisyo sa maralita sa India. Idineklara siyang banal ni Saint John Paul II noong 2003.

(Christina I. Hermoso at AP)